Isang panalo na lamang ang kailangan kapwa ng University of Santo Tomas women’s at men’s team upang maitala ang unang championship double sa UAAP beach volleyball tournament makaraang magsipagwagi sa Season 79 Finals opener sa Sands SM By The Bay.
Pinalawig nina Cherry Rondina at Jem Gutierrez ang Tigresses winning run sa 8 games sa pamamagitan ng 21-17, 21-9 panalo laban kina Lady Tamaraws pair Bernadeth Pons at Kyla Atienza para makuha ang 1-0 bentahe sa serye.
Tinapatan naman ito ng kanilang male counterpart na sina KR Guzman at Anthony Arbasto nang talunin ng mga into sina Jude Garcia at Jeremiah Barrica ng FEU, 21-13, 21-11, upang makauna sa kanilang best-of-three series.
Tatangkain ng Tigresses na makamit ang kanilang ika-4 na titulo sa liga ngayong 9:30 ng umaga sa Game 2 habang ikatlong korona naman ang target ng Tigers sa muli nilang pagtutuos ng Tamaraws ngayong 9:00 ng umaga.
Nauna rito ay pinatalsik ng FEU ang dating women’s champion De La Salle pair na sina Kim Fajardo at Tin Tiamzon, 21-17, 21-15, sa playoff para sa huling Finals berth.