DAHIL sa patuloy na pagkamatay ng maraming tao—drug pushers at users— bunsod ng police operations at kagagawan ng vigilantes o drug syndicates na may batik umano ng ‘extrajudicial killings’ (EKJ), posible raw na magpatupad ng mga kondisyon ang United States sa pagkakaloob ng ayuda o tulong sa ating bansa. Nabanggit din ang umano’y parang pagtanggi ni President Rodrigo Roa Duterte na bigyang-pansin ang human rights violations na likha ng kanyang drug war.
Dalawang US senator— sina Sen. Patrick Leahy at Sen. Benjamin Cardin— ang nagpahayag na handa pa ring ituloy ng America ang pagtulong sa Pilipinas, pero dapat maglatag ng kaukulang kondisyon. Sa totoo lang, talagang kailangan ng ‘Pinas ang tulong mula sa US subalit nag-aatubili ito ngayon sa pagbibigay ng tulong dahil sa pagmumura ni Mano Digong kay Pres. Barack Obama at waring pagkiling niya ngayon sa China at Russia.
Bilang reaksiyon, sinabi ni Presidential spokesman Ernesto Abella na ang Pilipinas ay mananatiling alyado ni Uncle Sam kahit nais makipagmabutihan sa China at Russia kaugnay ng “independent foreign policy” nito. “Nirirespeto natin ang opinyon ng iba, subalit dapat na hayaan tayong tumalunton sa landas na nais natin upang matamo ang kapalaran alinsunod sa ating kagustuhan.”
Ayon kay Sen. Leahy, may-akda ng Leahy Law, na ang layunin ay masigurong ang US ay hindi magiging complicit o kasabwat sa human rights violations ng mga banyagang bansa o puwersa na tumatanggap ng tulong mula sa Estados Unidos, hiniling niya sa State Department na ipaalam o talakayin sa kanila ang ganitong mga isyu at tumulong din sa deliberasyon ng kasalukuyang pagtulong sa Pilipinas pati na ang budget para sa 2017.
Sa Leahy Law, hinihimok din ang mga dayuhang gobyerno na papanagutin ang mga perpetrator o may kagagawan ng mga pag-abuso, human rights violations at extrajudicial killings. Sa panig ni Cardin, sinabi niyang siya ay labis na nababahala sa nangyayari sa ‘Pinas, at kung hindi makakikita ang US ng “constructive approach” mula sa Duterte government, maaaring hindi na tumulong ang America. Ang pinakahuling tulong na nakatakdang ipagkaloob ng US ay $32 million para gamitin laban sa illegal drugs at krimen.
Anyway, hindi natatakot si President Rody sa ganitong mga banta dahil tahasan niyang sinabi na makikipagkaibigan siya sa China at Russia upang hindi laging nakasandal sa US. Kumbaga sa isang ligawan, may bagong talisuyo o mangingibig (lover) ang ‘Pinas sakaling tumamlay ang relasyon nito sa US. (Bert de Guzman)