paolo-copy-copy

FOLLOW-UP ito sa sinulat namin kamakailan tungkol kay Paolo Ballesteros na gustung-gustong dumalo sa Tokyo International Film Festival dahil kasama ang pelikula niyang Die Beautiful, idinirek ni Jun Lana at produced ng Asian Future Film.

Relieved at napakasaya ni Paolo dahil pinayagan na siya ng Eat Bulaga na mag-leave ng apat na araw. Magsisimula sa Oktubre 25 hanggang Nobyembre 3, 2016

Kuwento ng taga-Idea First Company na pag-aari nina Direk Jun at Perci Intalan, makakasama na si Paolo sa Tokyo, Japan para sa film festival. Labis-labis ang pasasalamat ni Paolo sa EB na pinayagan siya. Talagang paghahandaan daw ng TV host/actor ang event dahil first time ever niyang dadalo sa isang filmfest na siya mismo ang bida ng kalahok na pelikula.

Trending

'Say aahh' Lalaking nag-aapply ng trabaho, sinubuan habang nasa online interview

“Masaya si Pao kasi four days siya at mapapanood niya ‘yung premiere at makakapaglakad siya sa red carpet,” kuwento ng program manager ng Idea First Company na si Omar Sortijas. “Sana manalo siya (ng best actor) kasi ibinigay niya ang best niya sa pelikulang ito, ang galing niya, ang gaan niyang katrabaho.”

Nagawa ni Paolo ang Die Beautiful noong mga panahong suspendido siya sa Eat Bulaga at sabi nga ng aktor dati ay wala sa hinagap niya na ang pelikulang ito pala ay mapapasama sa isang international film festival.

Nabanggit din ni Omar na magagaling din ng co-stars ni Paolo sa pelikula na sina Eugene ‘Uge’ Domingo, IC Mendoza, Inah de Belen, Gladys Reyes, Albie Casino, Luis Alandy, Iza Calzado at Joel Torre.

“Sobra akong proud kay Paolo sa movie, walang naging problema at si Uge, hindi pa nagpabayad (ng talent fee),” kuwento ni Omar.

Biro nga namin, sana hindi na rin nagpabayad ang ibang stars para kumita ang Die Beautiful na considered indie film, e, alam naman natin na kapag ganitong tema ang pelikula ay bihirang kagatin ng moviegoers.

“Okay lang na nagpabayad sila, hindi naman full rate, sobrang ganda ng pakikisama nilang lahat,” sabi sa amin.

Dagdag pang sabi sa amin, “Sobrang napaghandaan ni Paolo ang movie, kasi pati katawan niya, sobrang ganda niya.”

Napansin din namin na napakaganda ni Paolo habang nakahiga sa kabaong at talagang die beautiful, kamukha siya ni Angelina Jolie.

“Seven looks ang ginawa niya sa movie, Angelina, Julia Roberts, Miley Cyrus, Beyonce, Lady Gaga, Iza Calzado at secret ‘yung last,” kuwento sa amin pa ni Omar.

Pinanood namin ang trailer ng pelikula at ang ganda-ganda talaga ni Paolo, at kung totoo lang ang mga hitsura niya sa movie, bagay siyang maging beauty queen. (REGGEE BONOAN)