NAPILI ang Filipino jewelry designer na si Ramona Haar para idisenyo ang korona ng Miss Multiverse, isang reality-based international beauty pageant na gaganapin sa Punta, Cana, sa Dominican Republic sa Oktubre 10.
Pumayag si Mrs. Haar na idisenyo ang korona at tapusin ito para sa coronation night na walang kahit anong bayad at gagamitin ang sariling kagamitan, na may kondisyon na itatampok ng Miss Multiverse ang mayamang kultura ng Pilipinas, partikular ang sinaunang paggawa ng alahas sa Pilipinas.
Humingi ng tulong si Linda Grandia, founder ng Miss Multiverse contest, kay Haar para gawin ang korona.
“I hope that the young generation of Filipinos will appreciate and feel proud of this remarkable legacy and glorious heritage,” ani Haar.
Mayroong sapphire at garnet gemstones ang Mandala-inspired crown. Pinili niya ang mga batong ito dahil sa kahalagahan nito sa Miss Multiverse contest—ito ay mga simbolo ng kapangyarihan at kalakasan, pati na rin ang kabutihan at matalinong paghatol.
Si Mrs. Haar din ang nagdisenyo ng korona para sa Miss Earth.
Bukod sa kagandahan at katalinuhan, layunin ng elimination-style competition ng Miss Multiverse na mahanap ang pinaka-talented na babae na susuriin ayon sa kanyang leadership skill, social, at athletic capabilities.
Mga 30 naggagandahang binibini mula sa buong mundo ang maglalaban-laban para sa titulong Miss Multiverse 2016.
Ngayong nasa ikatlong season, patuloy na lumalawak ang TV show na I Am Multiverse ngayong taon sa Asia at Africa.
(ROBERT R. REQUINTINA)