SA kasaysayan ng panunungkulan ni Pangulong Duterte, mahalaga ang ika-9 ng Oktubre sapagkat ito ang ika-100 araw ng kanyang pamamahala. Asahan na ng ating mga kababayan na ang mga tambolero ng Malacañang ay mag-uulit ng mahahalagang accomplishment ng Pangulo. Maghihintay ang sambayanan. At para naman sa iba nating mga kababayan, ang hindi nila malilimot sa nagdaang 100 araw ay ang inilunsad na kampanya laban sa ilegal na droga, krimen at katiwalian sa gobyerno.

Sinliwanag ng sikat ng araw, sa loob ng tatlong buwan na giyera kontra droga, umaabot na sa mahigit 3,000 tulak at adik ang naitumba at napatay sa police operation at ng grupong vigilante. Isang mayor sa Leyte na pinaghihinalaang pusher ang dinakip ng PNP. Matatandaan, ang nasabing mayor nang magtungo roon sa opisina ng PNP chief sa Camp Crame ay pinatulog pa sa isang kuwarto ng hepe ng PNP.

Tuwing may napapatay at naitutumba sa mga police operation, paliwanag at litanya ng mga pulis: nanlaban o kaya’y nakipagbarilan ang mga suspect na pusher at user na tumimbuwang.

Ang mga kamag-anak naman ng mga napatay ay walang magawa kundi ang manangis, sumigaw, at humingi ng katarungan. Sa buy-bust at police operation at giyera kontra droga, hindi maiwasan na nagkaroon ng collateral damage o mga nadamay lamang. Mababanggit ang isang batang babae na nabaril at napatay sa isang bayan sa Pangasinan at isa pang apat na taong gulang na batang babae sa Dumaguete City. Katarungan ang hinihingi ng mga nagdadalamhating ina.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Sa giyera kontra droga at police operation, may mga taga-showbiz nang nadakip. Ang mga nadakip ay sina Sabrina M at ang sexy star na si Krista Miller. Sumunod na nadakip ay si Mark Anthony Fernandez. Naaresto ang aktor matapos makumpiskahan ng isang kilo ng marijuana. Naharang ang aktor na anak ng artistang sina Rudy Fernandez at Alma Moreno sa checkpoint sa McArthur Highway sa Barangay Birhen Delos Remedios, Angeles City nitong Oktubre 3. Sinampahan siya ng kasong paglabag sa section 5, 11 at 15 ng RA 9165 o ng Comprehensive Dangerous Dugs Act.

Sa nakalipas na 100 araw ng panunungkulan ni Pangulong Duterte, isa sa mga nagmarka sa isipan ng ating mga kababayan ay ang maaanghang na pahayag at pagmumura ng ating Pangulo. Kapag naiinis, nagagalit at kapag pinuna ang kanyang giyera kontra droga na kung tawagin ay ‘extrajudicial killings’. Minura na niya si Pope Francis, si US President Obama at maging si United Nations Secretary General Ban Ki-moon ay sinabihan niya ng tarantado. Hindi rin nakaligtas sa kanyang pagmumura ang European Union. At sa bahagi ng kanyang talumpati sa harap ng mga governor at mga mayor sa isang pagtitipon sa isang hotel sa Makati City ay sinabihan ng ating Pangulo si President Obama na, “go to hell” o pumunta sa impiyerno at sa taga-European Union nama’y, “go to purgatory”. Pinayuhan ni Sen. Richard Gordon si Pangulong Duterte ngunit dinedma siya ng Pangulo. Hindi umano niya ititikom ang kanyang bibig sa loob ng anim na taon lalo na kung tungkol sa kanyang kampanya laban sa ilegal na droga.

Kapag narinig kong nagmura si Pangulong Duterte, naaalala ng inyong lingkod ang pangaral sa akin at sa mga kapatid ko ng aming ama’t ina na huwag kaming magmumura. Kapag narinig na kami’y nagmura, lalamasin ng asin ang aming bibig at makatitikim kami ng palo sa puwit. (Clemen Bautista)