NAGHAHANAP ang Department of Tourism ng bagong tourism campaign slogan na ilulunsad nito sa Miss Universe pageant sa Mall of Asia Arena sa Enero 30, 2017. Ang kasalukuyan nating slogan — ang “It’s More Fun in the Philippines!”—ay inilunsad ng administrasyong Aquino at sinasabing responsable sa pagdagsa ng mas maraming turista sa bansa, mas marami kaysa nakalipas na mga taon.
Gayunman, nananatiling nangungulelat ang Pilipinas sa listahan ng mga bansang binibisita ng mga turista. Sa travel and tourism competitiveness index ng World Economic Forum noong Mayo 2015, ang Pilipinas ay ika-74 sa 141 bansa.
Umangat ng walong puwesto mula sa ika-82 posisyon nito sa listahan noong 2013, ngunit lubhang malayo pa rin sa maraming bansa na pinupuntahan ng nasa 1.186 na bilyong dayuhang turista sa mundo.
Ayon sa ulat ng World Tourism Organization noong 2015, ang Pilipinas ay dinayo ng 4.83 milyong banyagang bisita noong 2014. Sa Southeast Asia, sumusunod tayo sa Malaysia na may 27.4 na milyon; Thailand, 24.7 milyon; Singapore, 11.8 milyon; Indonesia, 9.4 na milyon; at Vietnam, 7.8 milyon. Sa buong Asia, ang pangunahing dinadagsa ng mga turista ay ang China, na may 56.6 milyong bisita. Sa mundo, nangunguna ang France sa pagdayo ng 84 na milyon.
Sa estadistikang tulad nito, dapat na pagsikapan nating itaas ang sarili nating datos sa turismo. Umaasa ang Department of Tourism na makatutulong ang isang bagong slogan. Bago ang “It’s More Fun in the Philippines!”, ginamit din natin na slogan ang “Fiesta Islands Philippines”, “WOW Philippines”, at “Pilipinas Kay Ganda.”
Sinabi ni Tourism Secretary Wanda Teo na ang hakbangin para sa bagong slogan ay bunsod ng survey na isinagawa ng Nielsen na nagsabing bagamat 65 porsiyento ng mga respondents mula sa Europa ay gusto ang kasalukuyang slogan, 26 na porsiyento lamang ang may intensiyong bisitahin ang bansa. Gayundin, 72 porsiyento ng mga respondent sa North America ang pabor sa slogan, subalit 45 porsiyento lamang ang nais magtungo rito sa atin.
Makatutulong ang isang bagong slogan para sa kampanya, ngunit dapat na mapagtanto ng Department of Tourism na may ilang mas mahahalagang konsiderasyon para sa mga taong nagpaplanong magbiyahe upang marating ang iba’t ibang panig ng mundo. Taglay ng bansa ang marami sa magagandang dahilan na ito—ang ating mayamang kasaysayan na mababakas pa sa Walls of Intramuros at iba pang natitirang istruktura noong panahon ng Espanyol, ang ating naggagandahang dalampasigan at lawa gaya ng nasa Boracay, at siyempre pa, ang mababait na Pilipino.
Gayunman, nakapagtatala rin tayo ng mga ulat ng pagdukot at pamumugot gaya ng sinapit ng mga bihag na Canadian sa kamay ng Abu Sayyaf, bukod pa sa matinding trapiko na nagbunsod upang makilala sa mundo ang Metro Manila. May panahon ding nanguna ang Ninoy Aquino International Airport sa listahan ng pinakamasasamang paliparan sa mundo. Ngayon, nariyan pa ang mga opisyal ng Amerika, Australia, Europa at United Nations na nagpapahayag ng pangamba laban sa umano’y extrajudicial killings.
Magkakaroon na tayo ng bagong tourism campaign slogan na, ayon sa Department of Tourism, ay layuning ipangalandakan ang pagbabago sa bansa na isinusulong ng administrasyong Duterte. Umaasa tayong magtatagumpay ito at magpapatuloy ang sumisiglang pagdagsa ng mga turista sa bansa, na paaalagwahin pang lalo ng mga pagsisikap ng Department of Tourism.