Masusubok ang kakayahan ng walang talo na si dating WBF super featherweight champion Harmonito dela Torre sa kanyang 10-round bout sa Amerikanong si Frank Trader sa Nobyembre 11 sa WinnaVegas Casino Resort sa Sloan, Iowa sa United States.
Ito ang ikalawang laban ni Dela Torre sa Amerika matapos talunin sa 8-round majority decision si ex-WBC Youth lightweight titlist Guillermo Sanchez ng US sa Niagara Falls sa New York noong nakaraang Mayo 27.
Ayon sa promoter ni Dela Torre na si Greg Cohen, tiyak na magiging maganda ang laban ng Pinoy boxer kay Trader na handing makipagbasagan ng mukha.
“We are going to see Harmanito Dela Torre in his toughest fight to date against Frankie Trader, a very good 130-pound scrap and we’re going to see how real Harmonito is,” sabi ni Cohen sa Fightnews.com.
May perpektong rekord si Dela Torre na 18 panalo, 12 sa pamamagitan ng knockouts at nakalista siyang No. 15 contender kay IBF super featherweight champion Jose Pedraza ng Puerto Rico samantalang may kartada si Trader na 10-2-1 win-loss-draw na may 2 panalo lamang sa knockouts. (Gilbert Espena)