Naabo ang bahay ng isang kapitana matapos lamunin ng apoy sa Sta. Cruz, Maynila, kahapon ng umaga.
Ayon sa Manila Fire Bureau, dakong 7:37 ng umaga nagsimulang kumalat ang apoy sa attic sa ikatlong palapag ng bahay ni Victor Delos Reyes, na inookupa ng kanyang anak na si Rochelle ‘Yayay’ Castaneda, kapitana, ng Barangay 334, Zone 33, na matatagpuan sa 1440 Tomas Mapua Street, Sta. Cruz, Maynila.
Umabot sa ikalawang alarma ang sunog at tuluyang naapula dakong 7:58 ng umaga, ayon kay Fire Senior Inspector Redentor Alumno.
Sa inisyal na imbestigasyon ni SFO2 Edilberto Cruz, ng MFB, extension cord na may naiwang mga nakasaksak ang posibleng sanhi ng sunog.
Dalawang pamilya pa ang naapektuhan sa sunog at walang naiulat na nasaktan. (Mary Ann Santiago)