BUTUAN CITY – Ibinunyag ni Pangulong Duterte na nasa 4,000 hanggang 5,000 opisyal ng barangay sa bansa ang sangkot sa bentahan ng ilegal na droga.

Nagsalita sa harap ng mga opisyal at tauhan ng Police Regional Office (PRO)-13 sa Camp Rafael C. Rodriguez dito, sinabi ng Punong Ehekutibo na dapat na arestuhin kung hindi kusang susuko at makikipagtulungan sa awtoridad ang mga nabanggit na opisyal ng barangay.

Kaugnay nito, sinabi ni Duterte na determinado siyang mabuwag ang mga sindikato ng droga sa panahon ng kanyang termino.

“Now is the time to kill a criminal correctly,” aniya, idinagdag na gagawin ng kanyang administrasyon ang pinakamaiinam na paraan upang maprotektahan ang mamamayan nito.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

“No foreign organizations could dictate what the government should do,” ani Duterte. “All criminalities are a cycle of violence and so I urge the uniformed personnel and everyone to support the anti-illegal drug advocacy of the government.”

Kaugnay nito, nagkaloob ang Presidente ng parangal at perang gantimpala sa pinakamahuhusay sa pagpapatupad ng Project Double Barrel sa PRO-13: Agusan del Sur Police Provincial Office bilang “Best Performing Police Provincial Office”, Surigao City Police bilang “Best Performing City Police Station”, San Francisco Municipal Police ng Agusan del Sur bilang “Best Performing Municipal Police Station” at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG)-13 bilang “Best National Separate Unit”. Tumanggap ng plaque of distinction at P250,000 cash incentive ang bawat isa sa mga pinarangalan.

Medalya ng Kagalingan at P200,000 cash naman ang tinanggap nina Chief Insp. Rommel B. Villamor (Top Performer of PRO 13’s Anti-illegal Drugs Campaign), Chief Insp. Christian Rafols II (Most Number of Arrested Drug Personalities), at Senior Insp. Arvin E. Hosmillio (Most Number of Illegal Drugs Confiscated). (Mike U. Crismundo)