Limang bilanggo, na pawang nahaharap sa kasong may kinalaman sa droga, ang nakatakas sa Koronadal City Jail sa South Cotabato, kahapon ng madaling araw.

Agad na ipinag-utos ni Chief Supt. Cedrick Train, director ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP)-Region 12, ang pagdakip sa limang pumuga dakong 2:05 ng umaga sa Koronadal City Jail.

Kinilala ni Supt. Barney Condes, hepe ng Koronadal City Police Office (KCPO), ang mga nakatakas na sina Christoper Punzalan Manalang, 38; Roel Gubaton Austria, 45; Federico Sarayon Abaygar, 48; Edgar Mariano Tiad, 42; at Rosilito Delfin Casiles, 46 anyos.

Ayon kay Condes, agad silang nagsagawa ng imbestigasyon pagtakas ng lima matapos lagariin ng mga ito ang kanilang selda.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

Sinabi ni Noel Espinar Tirado, duty City Security Unit (CSU), na nakita niya ang limang lalaki na may mga bitbit na bag at palabas ng pasilidad kaya agad niya itong sinabi sa duty officer ng araw na iyon na si SJO4 Melburn Aujero.

Puspusan ngayon ang pagtugis ng awtoridad sa limang pugante, na pinaniniwalaang hindi pa nakakalabas ng siyudad.

(Fer Taboy)