Labing-isang katao, kabilang ang isang tomboy na umano’y sangkot sa ilegal na droga, ang nasawi matapos pagbabarilin ng mga vigilante sa magkakahiwalay na insidente sa Caloocan City.
Dakong 11:25 ng gabi, pinagbabaril hanggang sa mapatay ng dalawang armado si Lawrence Esteves, 21, ng No. 195 Heroes Del 96, Malonzo Street, ng nasabing lungsod.
Nakatambay naman si Fernando Castillo, 45, malapit sa kanilang bahay sa No. 980 Castillo Compound, Ilano, Barangay 176 nang barilin sa ulo ng anim na lalaki.
Sa 7th Street, 7th Avenue Grace Park, naghihintay ng pasahero ang tricycle driver na si Celestino Fonteron Jr., 52, nang pagbabarilin siya ng riding-in-tandem.
Sa harap naman ng kanyang kinakasama, walang-awang pinagbabaril sa ulo ng apat na suspek si Joe Allan De Liva, 28, matapos siyang pasukin sa loob ng kanyang bahay sa Barangay 179, dakong 8:00 ng gabi.
Dakong 5:30 naman ng hapon, naglalakad si Jimmy Chavez, 51, ng Block 16C, Lot 1-A, Camada Compound, Dagat-Dagatan, Avenue, nang pagbabarilin ng apat na lalaki na sakay sa dalawang motorsiklo.
Kapwa bumulagta sina Jason Patricio, 28, at MharyAnn Manansala, 42, nang pagbabarilin ng dalawang lalaki sa Bgy. Bagong Silang, dakong 4:00 at 6:00 ng hapon, ayon sa pagkakasunod.
Dead on arrival naman sa Tala Hospital si Jomar Gayod, 21, ng 2808 Robert St., Bankers Village, Bgy. 184 makaraang barilin ng riding-in-tandem sa kanto ng Gov. Recto Garcia St., at Donya Paquita, dakong 2:00 ng hapon.
Patay din sina Randy David, 38, Marnele Casido, 28, kapwa residente ng Block 12B, Lot 8, Sulib St., Dagat-Dagatan at si Mark Edwin Enriquez, 21, tricycle driver, ng No. 7 Reparo St., Bgy. 161, Baesa, Caloocan City. (Orly L. Barcala)