ISA sa mga bayan sa eastern Rizal na matapat at matibay ang pagpapahalaga sa kanilang namanang tradisyon na nakaugat na sa kultura ng mamamayan ay ang Cardona, Rizal. Binibigyang-buhay ang mga tradisyon tuwing sasapit ang magkasabay na kapistahan ng Cardona at ng kanilang patroness na Mahal na Birhen ng Santo Rosario. Masaya, makulay at makahulugang ipinagdiriwang tuwing ika-6 at ika-7 ng Oktubre.

Ayon kay Cardona Mayor Benny San Juan, Jr., tampok sa pagdiriwang ang SAPAO-AN at ang PAGODA o fluvial procession sa Laguna de Bay sa bahaging sakop ng Cardona. Ang pagdiriwang ay sinisimulan sa siyam na gabing nobena-misa sa simbahan ng Cardona na dambana ng Mahal na Birhen ng Sto. Rosario. Dinadaluhan ng mga parishioner at ng mga may panata at debosyon sa kanilang patroness.

Ang Sapao-an o makulay at masayang street dancing ay ginaganap tuwing ika-6 ng Oktubre na bisperas ng kapistahan.

Kalahok ang pangkat ng mga barangay ng lokal na pamahalaan, religious at civic organization, ng mga kabataan, mga mag-aaral at kababaihan. Nagsisimula sa Barangay Looc at natatapos sa harap ng munisipyo at simbahan ng Cardona. Ang huling bahagi ng Sapao-an ay ang show down ng lahat ng pangkat na lumahok sa Sapao-an na isinasagawa sa covered court ng munisipyo.

Ang Sapao-an ay hango sa salitang ‘sapao’ na may kaugnayan sa pagkahinog ng mga palay sa bukid na tanim ng mga magsasaka. Pinaniniwalaan din na nagmula sa isinisigaw ng mga magsasaka noon sa Cardona na, “SAPAW NA” kapag nakita nilang sumasapaw na ang kanilang itinanim na mga palay sa bukid. Nagdaraos na sila ng pagdiriwang matapos anihin ang kanilang sumapaw na palay. Ang Sapao-an bukod sa natatanging bahagi ng sabay na pagdiriwang ng kapistahan ng Cardona at ng Mahal na Birhen ng Sto. Rosario ay matapat na pasasalamat sa Poong Maykapal sa mga biyayang natanggap sa patnubay ng kanilang patroness.

Ang pagoda o fluvial procession ay tampok naman tuwing Oktubre 7 na araw ng kapistahan. Nagsisimula matapos ang concelebrated mass na alay sa Mahal na Birhen ng Sto. Rosario. Ang mga kasama sa pagoda ay bumababa sa pritil o fishport sa Barangay Looc. Ang pinaka-pagoda na isinasakay ang imahen ng Mahal na Birhen ng Sto. Rosario ay pituya o malaking bangka kasama ang mga deboto ng Mahal na Birhen. Ang kalalakihan ay sakay din ng apat na malaking bangka. Lumilibot ang fluvial procession sa Laguna de Bay sa bahaging sakop ng Cardona kasunod ang mga bangkang de motor na sakay ang ibang mga deboto ng Birhen ng Sto. Rosario. Matapos ang pagoda, ang prusisyon at parada ay bumabalik sa simbahan.

Tampok naman sa hapon ng kapistahan ang LA TORRE o ang pagkalembang ng mga kampana ng simbahan at ang parada ng mga banda ng musiko bilang pagpupugay at pasasalamat ng mga taga-Cardona sa Mahal na Birhen ng Sto. Rosario na matibay ang pagkakaisa at pagpapahalaga at pagbibigay-buhay sa kanilang tradisyon.

Ang Cardona, ayon sa kasaysayan, ay itinatag noong 1854. Ang lugar na ito’y kilala sa tawag na VISITA DESAPAO.

Itinatag ng mga paring Fraciscano. Ang ginawang patroness ay ang Mahal na Birhen ng Sto. Rosario. May nagsasabi na ang CARDONA ay mula sa mga salitang “CALDO” na ang kahulugan ay sabaw, at “CARDO”, isang mayamang may-ari ng lupa sa Visita de Sapao. May paniwala naman na ang CARDONA ay ipinangalan ng mga Kastila. Pangalan ng isang bayan sa Spain at apelyido ng tao roon. (Clemen Bautista)