KINATIGAN ng korte sa France ang singing superstar na si Rihanna laban sa plagiarism case nito na isinampa ng US visual artist, na humihingi ng milyun-milyong euros bilang kabayaran.
Hindi tinanggap ng korte ang akusasyon ni James Clar na ang installation na tampok sa music video ni Rihanna noong 2010 na Rockstar 101 ay kinopya mula sa kanyang likha.
Nanghihingi si Clar ng limang milyong euros bilang kabayaran sa danyos na dulot ng pangongopya umano ng singer.
Gayunman, ibinasura rin ng korte ang counter-claim ng singer na tubong Barbados. Sa isanampang kaso ng singer, humingi siya ng kabayarang 100,000 euros bilang danyos mula kay Clar sa pagsasampa ng kaso, na pinaniniwalaan niyang “groundless case.”
Sa simula ng video ni Rihanna, makikita ang salitang “Rock star” sa fluorescent tubes na nasa kisame.
Katwiran ni Clar, kinuha ito mula sa kanyang 2006 installation na You and Me, na ang mga salita ay binuo rin ng mga suspended fluorescent tube.
Kahit kinilala ng korte na mayroong pagkakapareho ang dalawa, mas lumamang naman ang pagkakaiba nito.
Pinili ni Clar na isampa ang kaso sa France.
Si Rihanna, na sumabak sa fashion design, ay nasa Paris noong nakaraang linggo para dumalo sa launch ng kanyang pinakabagong koleksyon sa fashion week. (AFP)