Nakatakdang i-audit ng National Housing Authority (NHA) ang lahat ng real estate properties at unused lands ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) at Department of Agrarian Reform (DAR) alinsunod sa presidential proclamations sa pagpatayo ng “high-impact” shelter units sa bansa.
Ayon kay Marcelino P. Escalada Jr, bagong General Manager ng NHA, inatasan na niya ang lahat ng regional managers na magsagawa ng malawakang imbentaryo sa lahat ng lupain na pag-aari ng NHA sa buong bansa.
Babawiin din ng NHA ang lahat ng abandonadong lupain na pag–aari ng iba pang ahensiya ng pamahalaan para pagtayuan ng low-cost socialized housing units.
Sinabi ni Escalada na sa mga lupang pag-aari ng NHA itatayo ang low-rise at medium-rise buildings, alinsunod sa programang pabahay ng administrasyong Duterte.
“Before the end of 2016, the agency will bid out the construction of high-impact shelter projects,” sabi ni Escalada.
Kuwalipikado sa pagkaroon ng sariling house and lot ang lahat na makakapasa sa full requirements ng NHA.
Ang monthly amortization sa target na low-cost housing ng NHA ay P200 hanggang P500.
Magkakaroon din ng public rental (scheme) na ang halaga ng upa ay P200 kada buwan at hindi lalagpas sa P500 buwan–buwan. (Jun Fabon)