GINUGUNITA ang World Hospice and Palliative Care Day tuwing ikalawang Sabado ng Oktubre ng bawat taon. Ito ay araw ng aksyon na inorganisa ng Worldwide Hospice Palliative Care Alliance (WHPCA), grupo ng mga organisasyon ng hospice at palliative care sa 70 bansa, para mapabuti ang kalidad ng buhay at maibsan ang paghihirap ng matatanda at mga bata na nabubuhay sa nakamamatay na kondisyon at kanilang pamilya, at unawain ang kanilang pisikal, medikal, sikolohikal, panglipunan at at ispirituwal na pangangailangan.

Sa pagbabago patungo sa tumatandang lipunan, lumalaki ang bilang ng mga taong nagdurusa ngayon sa mga non-communicable disease tulad ng sakit sa puso at cancer, at pandaigdigang kakulangan sa access ng gamot sa kirot na naging dahilan para magkaroon ng madaliang polisiya ang hospice at palliative care.

Ang hospice care ay para mabawasan ang sakit at mga sintomas ng mga may malubhang sakit. Noon, ang hospice ay lugar para sa mga may sakit, sugatan, nanghihingalo, at mga manlalakbay. Kabilang naman sa modernong konsepto ang palliative care sa mga hindi gumagaling na sakit sa ospital, komunidad, klinika, nursing home, o sa tahanan, ng mga miyembro ng pamilya, mangangalaga, doktor, nurse, psychologist, at social worker. Maaaring makatanggap ng palliative care ang mga pasyante kahit anong oras, sa kahit anong yugto ng sakit kung nakakamatay man o hindi. Matitiyak ang pinakamagandang kalidad ng pangangalaga sa may sakit sa suporta ng mga miyembro ng pamilya; edukasyon ng mga health worker na nakapagpapabuti ng access sa controlled medication para sa pain management.

Ang tema ngayong taon, “Living and Dying in Pain: It Doesn’t Have to Happen” ay nakatuon sa pagbibigay lunas sa kirot, na mahalagang bahagi ng hospice at palliative care. Itinuturing ng World Health Organization ang pain relief at palliative care para sa mga pasyente at kanilang mga pamilya bilang mahalagang humanitarian concern.

Iniaangat ng tema ang kamalayan sa mga kritikal na isyu ng access sa mahahalagang gamot para sa pain management sa buong mundo. Ayon sa International Narcotics Control Board, 75 porsiyento ng populasyon ng buong mundo (5.5 bilyong katao) ang walang sapat na access sa controlled medications para sa pain relief, na nagreresulta sa milyun-milyon na taong nagdurusa sa mga hindi maiiwasang sakit na maaaring mapangasiwaan ng maayos sa tulong ng access sa maayos na gamutan.

Iniulat ng WHPCA na 18 milyong katao, karamihan ay nasa mahihirap na bansa, ang namamatay kada taon dahil sa hindi naiiwasang sakit. Maaaring magkaroon ng benepisyo ang palliative sa maraming pasyente, ngunit hindi ito madalas na available. Ang hamon ay para makatiyak ang bawat bansa na ang mga pain medication ay accessible, available, at mura, at masolusyunan ang tatlong pangunahing balakid para sa access sa pain relief—ang sobrang istriktong regulasyon, kakulangan ng sapat na edukasyon ng mga healthcare provider na kaugnay ng opioid medications, at economic barrier sa pagkakaroon ng gamot.