MENOR de edad sina Simon Pineda na mas kilala bilang si Onyok at McNeal Briguela na mas kilala naman bilang si Macmac sa FPJ’s Ang Probinsyano kaya pinauwi sila bago mag-alas otso ng gabi nang humarap sa anniversary presscon ang buong cast ng serye.

Nanghinayang ang entertainment press dahil masarap pa man din na katsikahan ang dalawang bagets na marami ring kuwento na gustong marinig ng lahat, lalo na kung paano binago ng Ang Probinsyano ang buhay nila at ng buong pamilya nila.

Marami na ang nakakaalam na nadiskubre si MacMac bilang ang bading na si Awra sa YouTube at natuwa si Coco Martin sa kanya kaya isinama siya sa serye para may kasamang bata si Onyok.

Lalaking-lalaki muna ang papel ni MacMac sa Ang Probinsyano na may crush kay Coco pero nakakalimot kaya nahalata ni Onyok.

Teleserye

Higop King Supremacy! Leading ladies na 'hinigop' ni Joshua Garcia sa teleserye

Inamin niyang tinuruan siya ni Coco kung paanong atake ang gagawin niya nu’ng ire-reveal na ang tunay na katauhan ni MacMac.

“Kinausap po ako ni Kuya Coco kung paano ko gagawin at ibibitaw ang dialogue ko at emosyon. Hinintay ko po ‘yung sinabi niyang actor’s cue. Nagawa ko naman po. At malaki po ang pasasalamat ko sa kanilang lahat dahil natuto akong umarte,” kuwento ni MacMac.

Hindi na siya nahihirapang umarte ngayon bilang bakla sa serye.

Samantalang si Onyok naman ay binigyan ng birthday cake ng Dreamscape Entertainment dahil kaarawan niya noong Oktubre 1, 2016 at ang wish niya ay, “World peace.”

Nagkatawanan ang lahat dahil alam naman ng lahat na ito ang ibinulong ni Coco sa bagets.

Ayon kay Onyok, napakalaki ng nagawa ng Ang Probinsyano sa pamilya nila, nakilala na siya, at marami ng nagpapa-picture sa kanya sa malls at marami na ring nag-iimbita sa kanya bukod pa sa nakabili na siya ng sasakyan.

Ang pinag-iipunan niya ngayon ay, “Gusto ko pa po makaipon para mabili ko na ‘yung bahay para sa amin!”

Taga-Sta.Cruz, Laguna ang pamilya ni Onyok kaya umuupa sila ng condo unit malapit sa ABS-CBN para hindi siya nali-late sa taping ng FPJ’s Ang Probinsyano. (REGGEE BONOAN)