NANG bawasan ng Kongreso ng halos 83 porsiyento ang budget ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA), nalantad ang mistulang paglumpo ng Kongreso sa mayamang pamana ng bansa sa sining at kultura. Isipin na mula sa P188 milyong budget ng NCCA noong 2016, ito ay ibinaba sa P31 milyon para sa 2017.
Kahabag-habag at nakahihiya ang pagkawawang ito ng mga mambabatas na nagpatibay ng ating trilyun-trilyong national budget. Isa itong malaking insulto sa kakayahan ng mga mamamayan sa pangangalaga at pagsusulong ng kalinangan na itinuturing na matatag na pundasyon ng lipunan.
At lalong isang malaking insulto ito sa Duterte administration na determinado sa pagpapaunlad ng malikhaing sining; bahagi ito ng 10-point socio-economic agenda na magpapabilis sa pagbabago ng malikhaing pagsusulong ng kultura.
Ikatutuwa kaya ng Pangulo ang tahasang pagbalewala sa NCCA? Totoo na hindi ito kasing-halaga ng pakikidigma ng administrasyon sa talamak na droga.
Sa pagkaltas sa NCCA budget, paano nga namang magagampanan ng naturang ahensiya ang makabuluhang misyon nito hinggil sa pagpapayaman pa ng sining at kultura. Halos imposibleng mapangalagaan ang itinuturing na mga “crown jewels” na maaaring matuklasan pa sa iba’t ibang panig ng kapuluan kung walang sapat na pondo at tauhan ang NCCA. Bahagi ito ng halos nanggagalaiting pahayag ni Buhay Party-list Rep. at Senior Deputy Minority Leader Lito Atienza. Marapat nga namang tuklasin ang tinatawag na “talent and artistry” na angkin ng mga theater directors, playwrights at mga composers na pawang mga alagad ng sining.
Nakapanlulumong mabatid na hanggang ngayon ay wala tayong maipagmamalaking tunay na cultural development program. Sa aking pagkakatanda, ang gayong programa ay yumabong lamang noong panahon ni First Lady Imelda Marcos, ngayon ay Kongresista ng Ilocos Norte. Bunga nito, pati ang ating mga kabataan ay namulat sa pagtangkilik ng mga dayuhang kultura; lumaki sila na walang sapat na kaalaman at pagpapahalaga sa makulay at mayamang kalinangan ng bansa.
Hindi ko maapuhap ang dahilan kung bakit sinagad ang pagkaltas sa NCCA budget. Hindi kaya nagagampanan ng kasalukuyang liderato nito ang makatuturang tungkulin sa pangangalaga sa sining at kultura? Ang mga mambabatas ay nakasilip kaya ng mga alingasngas noong nakalipas na pangasiwaan ng nabanggit na ahensiya?
Marapat lamang isaalang-alang ng mga mambabatas ang kanilang mistulang paglumpo sa ating mayamang sining at kultura dahil sa inilaan nilang kakarampot na NCCA budget. (Celo Lagmay)