NAGKAROON ng mainitang pagtatalo ang mga senador na kasapi ng Senate committee on justice and human rights nitong huling hearing tungkol sa ‘extrajudicial killing’. Nag-ugat ito nang banggitin ng testigo mula sa NBI na si Edgar Matobato ay inakusahan nila ng kidnapping kaugnay sa pagpatay sa umano’y foreign terrorist na si Sali Makdum. Eh, ang itinuturo ni Matobato, na siyang unang nagsalita sa committee, ay ang mga miyembro ng Davao Death Squad (DDS) sa utos umano ni Pangulong Digong noong siya pa ang alkalde ng Davao City. Nang hanapin ni Sen. Richard Gordon, chairman ng committee, si Matobato upang dinggin ang panig nito sa paratang sa kanya ng NBI, wala na ito. Ikinagalit ito ni Gordon dahil sinabihan daw niya itong huwag aalis.
Inako ni Sen. Trillanes ang responsibilidad. Dahil aniya nasa protective custody niya ito, pumayag na siya sa pagnanais ng mga nagbabantay sa kanya na lumisan na sila. Gabi na at nangangamba rin naman daw sila sa kanilang seguridad. Matatawaran ba ang desisyong ito ni Trillanes gayong ang Pangulo ng bansa ang pinararatangan ni Matobato na utak ng maramihang pagpatay? Hindi napakalma si Gordon at inakusahan pa niya ng “material concealment” si Sen. De Lima dahil hindi niya raw ibinunyag ang alam na niyang kaso ni Matobato kaugnay sa pagpatay kay Makdum.
Kahit binasa na ni Sen. Trillanes ang bahagi ng transcript na nabanggit ni Matobato ang pagkahabla sa kanya ng NBI, pinanindigan na ni Sen. Gordon ang akusasyon niya laban kay De Lima. Nag-walkout naman ito nang tumangging humingi ng paumanhin si Gordon sa kanya. Bagamat ipagpapatuloy pa rin ng committee ang pagdinig, hindi na raw ipipresinta ni Gordon si Matobato dahil “damaged goods” na ito. Pabagu-bago aniya ang kanyang sinasabi.
Hindi ito dapat ginagawa ni Gordon kung sinasabi niyang patas niyang pangangasiwaan ang pagdinig ng committee. Fact-finding lang ang tungkulin ng committee, ang alamin ang mga pangyayari upang may matibay na batayan ang anumang huhubugin nilang batas. Isa pa, hindi naman nasira ng mga tumestigo lalo ng mga pulis na idinawit ni Matobato sa mga pagpatay ang kanyang testimonya. Pinalakas pa ang mga ito dahil kinumpirma nila ang mga mahalagang bagay na kanyang isiniwalat. Kaya, mali ang ginawa ni Gordon na iitsapuwera na si Matobato sa pagbubukas muli ng pagdinig ng committee. (Ric Valmonte)