WALANG ideya si Jak Roberto kung bakit hindi na natuloy i-build-up ang grupong ‘3logy’ ng GMA Artist Center (GMAAC). Bahagi sana si Jak ng grupong kinabibilangan din nina Jeric Gonzales at Abel Estanislao.

“Hindi ko po alam sa Artist Center, eh. Parang wala na. May mga na-build-up nang bago. Saka... tulad ni Jeric, nagkaroon na ng regular show. Naging busy na rin po kaming tatlo,” lahad ni Jak.

Hindi naman niya pinanghihinayan na nabuwag ang grupo. Aniya, okay lang sa kanya dahil nagagamit pa rin naman daw niya ang mga natutuhan niya sa paghahanda sana sa grupo.

“Nagagamit pa naman,” paniniguro ng nakatatandang kapatid ni Sanya Lopez. “Sa mga mall show, fiesta-fiesta kapag naiimbitahan.

Blind Item

Content creator, 'di kinaya ugali ng dating Sang'gre sa concert ng BINI: 'Pipi na ba kayo?'

Kung naisantabi pansamantala ang kanyang singing career, mas nakatuon si Jak ngayon sa kanyang acting career lalo na’t unti-unti na rin siyang napapansin.

“Gusto ko ring magbida. Three years na rin ako sa showbiz kaya gusto ko ring mabigyan ng chance na magbida sa teleserye. Siyempre, gusto ko sa GMA. Kahit anong klaseng role kasi gusto ko talagang maipakita ‘yung talent ko sa pag-arte,” wika ng bagitong aktor.

Dedma si Jak sa mga basher na nagsasabing ‘pagpapagalaw lang ng abs’ ang kaya niyang gawin sa harap ng kamera.

“’Yun nga po, nagkataon lang ‘yun, kaya nga po sinasabayan ko ng akting. Para hindi naman nila masabing hubad-hubad lang, ganyan. Kaya nga po gusto kong magbida para mabali ‘yung thinking na ‘yon,” paliwanag ni Jak sa amin.

In between shows, naisisingit pa rin niya ang pag-attend ng acting workshops na isinasagawa ng GMAAC.

“In fact, katatapos lang namin ng isa pang acting workshop. Ngayon naman naghahanda kami para sa isang personality workshop. Bugbog po kami ng workshops,” ani ng binata.

Pangarap ni Jak na makatambal sa isang proyekto si Jennylyn Mercado. Katunayan, nag-audition siya sa Love From The Stars na pagbibidahan ng Ultimate Star ng Kapuso network.

“Salamat abs, salamat. Dahil sa abs na sinasabayan ko naman po ng magandang akting, nabibigyan ako ng mga project,” say ng dating mainstay ng Walang Tulugan With The Master Showman.

Regular na napapanood si Jak sa Dear Uge, hosted by Eugene Domingo. Kasama rin siya sa comedy show na A1 Ko Sa ‘Yo nina Jaclyn Jose, Solenn Heussaff, Sef Cadayona, Ervic Vijandre at marami pang iba.

Bahagi rin siya ng unang episode ng Usapang Real Love o URL nina Miguel Tanfelix at Bianca Umali where he plays the third wheel sa relasyon ng dalawa. Said episode will end in two weeks time at napapanood ito tuwing araw ng Linggo, 5:30 ng hapon.