Binigyan kahapon ng mga senador si Pangulong Rodrigo Duterte ng patas na assessment sa unang 100 araw nito sa puwesto, kahit pa naniniwala silang dapat na magdahan-dahan ang presidente sa pananalita nito upang maiwasan na maapektuhan ang kanyang popularidad.

Sinabi ni Senator Joseph Victor “JV” Ejercito na sa scale na 1 to 10 ay bibigyan niya si Duterte ng 7 dahil mahusay ang naging simula nito sa pagresolba sa mga pangunahing problema ng bansa.

“But after 100 days, President Duterte still has to realize that he is no longer a local chief executive. We hope to see him quickly adapt into the presidency, because his conduct represents the nation, and his words can shape national policies,” ani Ejercito.

Para kay Senate Majority Leader Vicente “Tito” Sotto III, 9 ang rating niya sa presidente dahil prioridad nito ang paglaban kontra droga.

Politics

Dalawang Tulfo brothers, nanguna sa survey ng senatorial race

Marami pang dapat baguhin si Duterte para kay Sen. Sherwin Gatchalian na nagbigay sa Presidente ng 8 out of 10 na rating.

Five out of 10 naman ang rating kay Duterte ng kritiko niyang si Sen. Antonio Trillanes IV, habang 7 hanggang 7.5 ang bigay ni Sen. Panfilo Lacson.

IPAGTANGGOL PA ANG MAHIHIRAP

Gaya ng karamihan sa mga senador, naniniwala ang Simbahang Katoliko na naging maayos ang pagtupad ng Pangulo sa tungkulin sa unang 100 araw nito sa puwesto.

Bagamat hindi “perfect” ang administrasyong Duterte, sinabi ng mga opisyal ng simbahan na dama nila ang sinseridad nitong magpatupad ng mga pagbabago sa ikabubuti ng bansa.

“I think he is doing well. Although sometimes he has a way with words and he is very loud...you can see that he has an objective,” sinabi ni Lipa Archbishop Ramon Arguelles sa isang panayam.

Bagamat aminadong hindi niya kailanman pinaboran para maging presidente ng bansa, sinabi ni Arguelles na natutuwa siya sa pagtatanggol ni Duterte sa mahihirap. “He wants to improve the lives of the poor and I want him to continue doing that,” aniya.

KUMUSTA ANG TRAFFIC?

Samantala, nakukulangan pa rin si Elvira Medina, presidente ng National Center for Commuters Safety and Protection, sa mga pagsisikap ng administrasyon upang maresolba ang matinding problema sa traffic.

“The mere fact that they are working, that’s good enough for us. They have yet to yet to fulfil the changes promised,” sabi ni Medina.

Inamin naman ng Inter-Agency Council for Traffic (IACT) na napakarami pa ng kailangang gawin upang maibsan ang pagsisikip ng trapiko, partikular sa Metro Manila.

Sinabi ni Highway Patrol Group Director Antonio Gardiola, hepe ng IACT, na bukod sa mahalagang makipagtulungan sa kanila ang mga Metro Manila mayor, nangangailangan din sila ng 13,000 traffic enforcer para maisaayos ang trapiko sa EDSA.

ELECTORAL PROMISE

Nagsagawa naman ng kilos-protesta ang mga grupong manggagawa sa iba’t ibang panig ng bansa upang ipanawagan ang pagbibigay-tuldok sa lahat ng uri ng contractualization, at iginiit na “nothing has changed.”

“By the way things are going, it seems Duterte’s harsh words against contractualization would be an electoral promise that was meant to be broken,” sabi ni Leody de Guzman, pangulo ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP).

“Sec. (Silvestre) Bello is, in fact, adding insult to our already injured labor force when he claims that the DoLE (Department of Labor and Employment) was able to regularize 10,000 workers in the first 100 days of the new regime through voluntary compliance by the employers sector,” dagdag ni De Guzman.

(Hannah Torregoza, Leslie Ann Aquino, Anna Liza Alavaren at Betheena Kae Unite)