Pinagkalooban ng bonus ng Far Eastern University si Janelle Mae Frayna, kauna-unahang Pinay na nagwagi ng Grandmaster title.
Naging emosyonal ang 21-anyos na si Frayna na testimonial dinner na ginanap sa 17th floor ng FEU Technical Building Huwebes ng gabi sa Morayta, Manila.
Dinaluhan mismo ng matataas na opisyales ng FEU na magkapatid na Aurelio III at Anton Montinola kasama ang Athletic Director na si Mark Molina ang okasyon kung saan binigyan nito ng simbolikong plake at cash incentive ang 20-anyos na tubong Legazpi City, Albay.
“The country’s first woman grandmaster is a Tamaraw,” ang nakalagay sa plake na iniabot mismo ng FEU Board of Trustee na si Anton Montinola habang ibinigay naman ng Chairman na si Aurelio III ang tseke na nagkakahalaga ng P100,000 bilang pasasalamat sa matikas na kampanya sa world stage.
“Wala na po talaga ako masabi kundi ang pasalamatan na lamang ang lahat ng aming mga opisyal sa FEU, ang mga coaches, ang mga teammates ko at pati na ang buong pamilya ko na tumulong sa akin upang makamit ko ang pagiging WGM,” sambit ni Frayna.
Binigyan din ng FEU ng isang painting ang personal trainer at coach nito na si GM Jayson Gonzales, na siya din na non-playing team captain ng Philippine women’s chess team bilang pagpapasalamat sa naimbag sa unibersidad.
Nauna rito, tinangap din ni Frayna ang P75,000 mula kina Albay congressman Joey Salceda at Surigao representative at National Chess Federation of the Philippines (NCFP) president Prospero Pichay.
Naiulat na nakatakda ring mabigyan ng PSC ng P50,000 si Frayna sa pagtatala ng kasaysayan para sa Pilipinas habang P100,000 naman kay GM Eugene Torre na iniuwi ang kanyang ikatlong tansong medalya sa paglahok sa nakalipas na 42nd World Chess Olympiad sa Baku, Azerbaijan.
Sinabi naman ni Frayna na gagamitin niya ang nasabing insentibo upang suportahan ang pagpapagamot sa kanyang ina na si Engr. Corazon Sonia na nagtamo ng breast cancer.
Nagpahayag din ng pagtulong si Pichay na gamitin ang kabuuang halaga na P1-milyon nakalaan sa pagpapagamot para sa ina ni Frayna. (Angie Oredo)