Ibinulagta ng dalawang armado ang isang barker na umano’y tulak ng ilegal na droga matapos siyang pagbabarilin sa Parañaque City, nitong Huwebes ng gabi.
Ilang tama ng bala sa katawan buhat sa hindi batid na kalibre ng baril ang sanhi ng agarang pagkamatay ni Amir Maruhombsar y Sarif, nasa hustong gulang, ng Barangay Baclaran ng nasabing lungsod.
Inaalam naman ng awtoridad ang pagkakakilanlan ng dalawang lalaking suspek na sakay sa motorsiklong walang plaka.
Sa ulat na natanggap ni Southern Police District-Public Information Office (SPD-PIO) chief Supt. Jenny Tecson sa Parañaque City Police, dakong 8:15 ng gabi nangyari ang pamamaril sa panulukan ng Quirino Avenue at Aragon St., Baclaran.
Abala umano ang biktima sa pagtatawag ng mga pasahero sa lugar nang sumulpot ang mga suspek at walang awang tinadtad ng bala sa katawan si Maruhombsar.
Ayon sa pulisya, kilala umanong tulak ng ilegal na droga ang biktima. (Bella Gamotea)