MAYROONG tradisyon sa pulitika ng Pilipinas tungkol sa 100-araw na “honeymoon period” na hinihimok ang mga kritiko na huwag munang batikusin ang isang bagong halal na pangulo ng bansa sa anumang masasabing pagkakamali nito.
Sa nakalipas na 100 araw simula nang manungkulan si Pangulong Duterte sa Malacañang noong Hunyo 30, 2016, umani siya ng papuri mula sa mamamayan dahil sa mga pagbabagong isinusulong niya sa gobyerno at sa kabuuan ng pamumuhay sa bansa. Ang mga puna tungkol sa kanyang mga ginagawa ay kadalasang nagmumula sa ibang bansa—mula sa United Nations, sa European Union, at sa United States—kaugnay ng kanyang kampanya laban sa droga at sa nasa 3,000 kataong napatay dahil dito, karamihan ay pinangangambahang mga biktima ng paglabag sa karapatang pantao.
Mayroon namang epekto ang tradisyong ito sa pagsusuri sa “First 100 Days” ng Pangulo sa puwesto—na maaaring pabor o kontra sa Presidente. Sa kabuuan, ang pangkalahatang opinyon ay nakabuting inaksiyunan na ngayon ni Pangulong Duterte ang problema sa droga na labis na ikinagulat ng lahat kung gaano na kalawak ang impluwensiya at perhuwisyo sa bansa.
Ang nag-iisang boses na nananawagan ng imbestigasyon sa sunud-sunod na pagpatay, si Senador Leila de Lima, ay pinatalsik sa pamumuno sa isang komite ng Senado at binantaang ipalalabas sa Kamara ang kanya umanong sex video.
Ngayong tapos na ang 100-araw na honeymoon period, naglabasan na ang ilang mambabatas na may magkakaibang opinyon sa pagganap ng Presidente sa tungkulin nito. Tinukoy ni Speaker Pantaleon Alvarez ang malaking nabawas sa mga insidente ng krimen at ang panawagan ng Presidente para sa isang higit na nagsasariling foreign policy. Pinuna niya ang nagkamaling pag-ugnay ng Pangulo sa isang kongresista mula sa Pangasinan sa bentahan ng droga, ngunit pinuri ito sa pag-amin sa pagkakamali at paghingi ng paumanhin. Pinuri naman ni Minority Leader Rodolfo Fariñas ang agarang pagtugon ng Presidente sa mga prioridad na panukala, partikular na ang maagang paghahain ng panukala para sa 2017 General Appropriations Act.
Sa ekonomiya ng bansa, positibo ang naging assessment ng World Bank. Inihayag nitong maaaring higitan pa ng Pilipinas ang taya sa pagtaas ng Gross Domestic Product (GDP) na 6.4 na porsiyento para sa 2016 at 6.2 porsiyento sa 2017. “The Philippines remains one of the fastest growing economies in East Asia and the Pacific despite the weak global economy,” ayon sa World Bank.
Ngunit karamihan sa mga opisyal at mga social at economic leader sa Pilipinas ay mistulang ayaw munang magbigay ng anumang assessment sa administrasyong Duterte sa ngayon. Gaya ng binigyang-diin ni dating Senate President Juan Ponce Enrile sa isang forum nitong Lunes, masyado pang maaga para manghusga. “Let him do his job. In the end, we will chastise him or idolize him,” aniya.
Isa itong payo na pinakamainam na gawin ng marami sa atin. Pinatunayan ni Pangulong Duterte na mabilis siyang umaksiyon sa mga usapin, ngunit hindi inaasahang napapagitna siya sa mga kontrobersiya dahil sa mga hindi magaganda niyang komento, na kalaunan ay kinakailangan niyang linawin o ihingi ng paumanhin. Nitong Miyerkules, pinayuhan ni Presidential Spokesman Ernesto Abella ang mga nag-uusisa tungkol sa mga komento ng Pangulo na gamitin ang kanilang “creative imagination” at huwag gawing literal ang pag-unawa rito.
Mayroon pang anim na taon si Pangulong Duterte upang maisakatuparan kung ano ang inaasahan ng mga naghalal sa kanya. Kumpiyansa tayong lahat na magagawa niya ito.