Sa harap ng kabi-kabilang pagbatikos mula sa labas ng bansa kaugnay ng kontrobersiyal na kampanya ni Pangulong Rodrigo Duterte laban sa ilegal na droga, lumabas sa survey ng Social Weather Stations (SWS) na maraming Pilipino ang pumupuri sa nasabing hakbangin ng gobyerno upang malipol ang mga tulak at adik sa droga sa bansa.

Ayon sa SWS survey na inilabas kahapon, kasabay ng ika-100 araw ni Duterte sa puwesto, 84 na porsiyento ng mga Pinoy ang kuntento sa digmaan ng administrasyon laban sa droga, batay sa nakuhang “excellent” net satisfaction rating na +76.

Nasa 54% ang nagsabing sila ay “very satisfied” habang 30% ang “somewhat satisfied”, at 8% lang ang hindi kuntento—4% dito ang “somewhat dissatisfied” at ang natitira ay “very dissatisfied”.

Walong porsiyento naman ang walang desisyon sa usapin.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Ang huling SWS survey ay ginawa nitong Setyembre 24-27 sa face-to-face interviews sa 1,200 adult sa bansa, na pinakamataas ang satisfaction rating sa balwarte ng Pangulo, ang Mindanao.

HULIHIN NANG BUHAY

Kaugnay nito, nangako naman ang gobyerno na hindi kukunsintihin ang anumang uri ng summary execution sa kasagsagan ng digmaan kontra droga.

“The Duterte administration does not condone summary execution or extrajudicial killing of drug suspects. The Philippine National Police is investigating all cases of extrajudicial killings and will prosecute the perpetrators to the full extent of the law,” sinabi kahapon ni Presidential Communications Secretary Martin Andanar matapos lumabas sa SWS survey na bagamat kuntento ang maraming Pinoy ay nais ng mga itong mahuli nang buhay ang mga drug suspect.

Sa kaparehong survey, natukoy na 71% ng mga respondent ang naniniwalang “very important” na mahuli nang buhay ang mga drug suspect.

Samantala, muli namang idinepensa ni Pangulong Duterte ang kanyang kampanya kontra droga, nanindigan sa human rights advocates na tatapusin ng gobyerno ang nasimulan nito para sa “self-preservation” ng bansa.

“I would like to just give an advice to the all human rights shouting now local and international, I said you can all go to hell,” sinabi ni Duterte nang bumisita sa isang police camp sa Butuan City nitong Huwebes. “It is never never wrong for a President and the police and the military to protect its citizens. It is self-preservation.”

Kasabay nito, muli niyang pinakilos ang mga pulis upang ubusin ang mga tulak sa bansa, at nangakong poprotektahan niya ang mga ito. “Arrest them kung pwede, kaya pa. But if they offer a violent resistance at naalanganin na ang buhay mo, pu**** i**, huwag kang magpakamatay, patayin mo ang h*****!” aniya.

(VANNE ELAINE P. TERRAZOLA at GENALYN D. KABILING)