CAPE CANAVERAL, Fla. (AP) – Sinimulang hagupitin ng Hurricane Matthew ang Florida noong Biyernes ng umaga, matapos humina sa Category 3 storm sa pinakamalakas na hanging 120 mph. Ngunit ayon sa U.S. National Hurricane Center (NHC) inaasahang mananatili itong malakas na bagyo.

Dalawang milyong katao ang binalaang lumikas sa pagtama ng pinakamalakas na bagyong nagbabanta sa Atlantic coast sa loob ng mahigit isang dekada. Nasa mata ng bagyo ang Florida.

Ang Hurricane Matthew ang unang Category 5 Atlantic hurricane simula nang manalasa ang Hurricane Felix noong 2007.

Unang sinalanta ng bagyo ang Haiti, Jamaica, Cuba, at Dominican Republic. Huli nitong hinagupit ang The Bahamas taglay ang mapanganib na lakas ng hangin na 140 mph (220 kph), bago tinahak ang direksyon ng Florida.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

May 345 katao na ang iniulat na namatay sa bagyo, kabilang na ang 339 sa Haiti. Ito na ang pinakamabagsik na bagyong tumama sa Atlantic simula nang Hurricane Hanna noong 2008, na pumatay ng mahigit 500 sa Haiti.

MGA PINOY PINAG-IINGAT

Samantala, pinayuhan ang mga Pilipino na nakatira sa Florida, Georgia, North Carolina at South Carolina na gawin ang kinakailangang paghahanda sa inaasahang mga epekto ng paghagupit ng Hurricane Matthew sa timog silangan ng United States.

Sa advisory na inilabas noong Biyernes (oras sa Manila), hinimok ng Philippine Embassy sa Washington DC ang tinatayang 225,000 Pilipino na naninirahan sa mga nabanggit na estado na patuloy na subaybayan ang mga public advisory.

Idineklara na ni US President Barack Obama ang state of emergency sa Florida, kung saan naninirahan ang tinatayang 150,000 Pinoy. (Roy C. Mabasa)