SA pinakahuling isinumiteng police operation report sa tanggapan ng Philippine National Police (PNP) kaugnay sa kampanya laban sa mga sindikato ng droga sa buong bansa, sa isang ito ako talagang napamura nang malakas. Ito ay tungkol sa naarestong school bus driver na adik na, pusher pa.
Bulong ko pa nga sa sarili ko na mukhang narinig din ng katabi ko– “Suwerte naman ng ogag na ito, ang katulad mo ang mga dapat na masama sa mga tinakpan ng diyaryo sa mga bangketa at kalsada!”
Sorry po sa inasal ko. Bigla ko kasing naisip na may katwiran pala ‘yung paaralan sa Maynila ng aking panganay na apo na bago ito na-enroll ay nagpa-drug test muna, para makasiguro raw na hindi gumagamit ng ilegal na droga ang mga bata. Parang OA ang dating nito sa akin, dangan kasi ang nasa isip ko ay – elementary grade at high school, ida-drug test na agad?
Ito marahil ang sagot: ang naarestong suspek ay si Allan Monico M. Ganotan, 49, ng 95 Harvard Street, Barangay E. Rodriguez, Cubao, Quezon City, may-ari ng mini van na gamit niyang school bus para sa isang ekslusibong paaralan sa may Antipolo City, at karamihan sa kanyang hatid-sundong mga estudyante ay pawang elementary at high school.
Nakakatakot isipin na ang mga anak at apo natin ay ipinagkakatiwala natin sa kamay ng ganitong uri ng drayber, ‘di ba? Dapat ay may kaukulang aksiyon agad ang mga paaralan sa ganitong sitwasyon.
Naaresto siya sa kanyang bahay na mistulang “bahay tiange” para sa shabu na kanyang itinutulak. Mga pakete ng hinihinalang shabu, mga abubot sa paggamit ng mga ilegal na droga, gaya ng tooter, timbangan, straw at mga lighter ang nakumpiska ng mga pulis, sa pamumuno ni Sr. Insp. Ramon Aquiatan, Jr. ng Quezon City Police Department (QCPD) Station-7, sa loob ng kanyang bahay.
Sa latest scorecard ng PNP laban sa droga, mula Hulyo 1- Oktubre 6, 2016: 23,852 operarasyon ang ikinasa; 1,390 ang napatay; 22,971 ang naaresto; (Dave M. Veridiano, E.E.)