Walang import, walang problema sa Bureau of Customs.
Naitala ng Customs ang ikalawang sunod na panalo nang gapiin ang Power Smashers, 18-25, 27-25, 21-25, 25-21, 15-9, sa kabila nang hindi paglalaro ng Thai import nitong Miyerkules sa Shakey's V-League Reinforced Conference sa Philsports Arena.
Pinangunahan ang Customs ni dating Ateneo de Manila ace hitter at UAAP 3- time MVP Alyssa Valdez na nagtala ng personal at league best 39 puntos na kinabibilangan ng 29 hit, walong ace at isang block bukod pa sa 17 dig.
Hindi nakalaro sina Thai import Kanjana Kuthaisong at Nattanicha Jaisaen dahil hindi pa kumpleto ang kanilang playing document.
Nadagdagan pa ang problema dahil sa kumplikasyon ng sitwasyon ng mga kakamping sina Lilet Mabbayad at Paulina Soriano sa karibal na liga kung saan sinuspinde sila at pinagmulta.
“I’m really happy hindi lang sa panalo. Masaya kami buong team kasi naglaro talaga kami not only for ourselves but also for the imports and our teammates na hindi rin nakalaro today,” pahayag ni Valdez, nalagpasan ang dating league best na 38 puntos na ginawa ng dating Ateneo guest player na si Sontaya Keawbundit noong Season 7 first conference.
Ang dating personal best ni Valdez ay 35 puntos na naitala noong Season 75 ng UAAP kontra Adamson kung saan natalo sila sa loob ng limang sets, 22-25, 21-25, 25-19, 25-16, 10-15.
Nakalusot din ang Philippine Air Force kontra import-powered Pocari Sweat, 25-20, 22-25, 25-7, 22-25, 15-12.
Ratsada sina Jocemer Tapic at May Ann Pantino sa naiskor na 17 puntos, habang kumana sina Julie Ann Caballejo at Joy Cases sa naiskor na 14 at 13 puntos, ayon sa pagkakasunod.
“Lahat naman nagtrabaho although hindi nga lang dire-diretso, at least nandoon ‘yung intensity nila para manalo,” pahayag ni Air Force coach Jasper Jimenez.