Sa kabila ng kabiguang maihatid ang San Miguel Beer sa finals ng 2016 PBA Governors’ Cup, nanatili ang Cebuano slotman na si Junemar Fajardo na nangunguna sa labanan para sa MVP race.
Tinaguriang “The Kraken”, batay sa huling statistics tally na inilabas ng PBA, hindi nalalayo si Fajardo sa kanyang ikatlong sunod na MVP award.
Pagkatapos ng nakaraang semifinal round, napanatili ni Fajardo ang kanyang kalamangan sa pinakamalapit na katunggaling si Talk N Text guard Jayson Castro.
Nagtala si Fajardo ng average na 38.8 statistical points habang si Castro ay nakatipon naman ng 33.6 SPs.
Nasa likuran nila sina Terrence Romeo (33.5 SP’s) ng Globalport, Calvin Abueva (32.1 SP’s) ng Alaska at ang kakampi ni Romeo na si Stanley Pringle (31.2 SP’s).
Tulad ni Fajardo, bigo rin si Castro na pangunahan ang Katropa na makausad sa Finals.
Ang basehan sa pagpili ng MVP ay ang pinagsamang statistical points na kumakatawan sa 40 porsiyento ng criteria, media votes (30 percent), players votes (25 percent), at Commissioner’s office votes (5 percent). (Marivic Awitan)