Hindi akalain ng isang matandang dalaga na sa kabila ng kanyang pagmamahal at pag-aaruga ay mistulang ahas pa siyang tinuklaw ng kanyang ampon matapos umano siyang pagnakawan ng P5 milyon at mga alahas sa Malate, Maynila.
Kasama ang kanyang pamangkin na si Carmela Espiritu, inireklamo ni Norma Guatno, 83, ng 2224 Alejo Aquino Street, Malate, Maynila ang suspek na si Ramon Concepcion Jr., 36, isang bading at residente ng 2125 Consuelo Taal St., Singalong, Malate, Maynila.
Ayon kay Espiritu, nagreklamo sila sa Manila Police District (MPD)-Theft and Robbery Section (TRS) nang matuklasan ng matanda na nasimot ang kanyang pera sa dalawa niyang bank account at wala na rin ang kanyang mga alahas.
Humingi umano ng bank account statement sa dalawang bangko ang matanda at dito niya nalaman na nilimas ng suspek ang kanyang pera.
Nabatid na malaki ang tiwala ng matanda sa suspek dahil 19 na taong gulang pa lang ito nang kanyang alagaan.
“Mistulang nag-alaga ng ahas ang aking tiyahin, pinag-aral pa niya iyan tapos, ipinagawa pa yung bahay…wala kasing kasama iyon matandang dalaga, yung pera niya matagal na inipon ng kanyang magulang na ipinamana pa sa kanya tapos unti-unting inubos nung baklang alaga,” pahayag pa ni Espiritu.
Sasampahan ng kasong qualified theft ang suspek. (Mary Ann Santiago)