MALUGOD nating tinatanggap ang pahayag mula sa United States State Department na nananatiling matatag at mahalaga ang ugnayan ng Amerika sa Pilipinas sa kabila ng hindi magagandang komento ni Pangulong Duterte. “Our people-to-people ties remain strong. Our security and military ties remain strong. Our economic ties remain strong,” sabi ni State Department Deputy Spokesman Mark Toner.

Inilahad ang bagong pahayag mula sa State Department kasunod ng muling pagpapahayag ng pagkairita ni Pangulong Duterte sa pandaigdigang pagbatikos sa kanyang kampanya laban sa droga na nasa 3,000 katao na ang napatay. Sa kanyang pagtatalumpati sa Hanoi sinabi ng Presidente na siya ay magiging “happy to slaughter” ang tatlong milyong lulong sa droga sa Pilipinas “to save the next generation from perdition.”

Muling nagdulot ng pandaigdigang kontrobersiya ang pahayag ng Pangulo dahil sa pagbanggit niya kay Hitler ng Nazi Germany, na pumaslang sa anim na milyong Hudyo sa mga concentration camp noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Ang dating ay mistulang pinuri pa ni Duterte ang ginawa ni Hitler, ngunit sinabi ni Presidential Spokesman Ernesto Abella na hindi nais ng Pangulo na mabansagang bagong Hitler sa pagsasabing handa itong pumatay ng tatlong milyong katao kaugnay ng laban ng bansa kontra droga.

Hindi ito ang unang beses na naging usap-usapan ng publiko ang naging komento ni Pangulong Duterte. Una na niyang sinabit na ang kasisimula lang na military exercises ng Pilipinas at Amerika ay magiging huli na sa kanyang termino.

Gayunman, sinabi kinabukasan ni Secretary of Foreign Affairs Perfecto Yasay, Jr. na huli ngayong taon ang ibig ipakahulugan ng Presidente.

Nanindigan din ang US State Department na sa kabila ng mga negatibong komento mula kay Pangulong Duterte—na nililinaw naman ng kanyang gabinete pagkatapos—aantabayanan nito at aaksiyunan ang opisyal na pahayag mula sa gobyerno ng Pilipinas, batay sa kalatas ng DFA.

Nagkomento tungkol sa pagkakabanggit kay Hitler, nanawagan ang United Nations special adviser on the prevention of genocide na si Adama Dieng kay Pangulong Duterte “to exercise restraint in the use of language that could exacerbate discrimination, hostility, and violence.” Makatutulong din kung magpapatupad ng kaparehong pagpipigil sa pag-uulat sa mga sinasabing ng Pangulo—at sa pagkokomento tungkol dito—iniintindi ang posibilidad na maaaring hindi tama ang pagkakaunawa rito.

Pinaninindigan ng US State Department ang pinakawastong posisyon. Maghihintay ito sa mga opisyal na pahayag mula sa gobyerno ng Pilipinas. Sa ngayon, nananatili ang ilang dekada nang ugnayan ng Pilipinas at Amerika—lubos ang pagiging malapit ng mga mamamayan, masusi ang ugnayan sa usaping sandatahan at seguridad, gayundin sa mga isyung pang-ekonomiya.