Arestado ang isang Grade 9 student matapos umano niyang tangkaing tangayin ang isang Honda scooter na nakaparada sa harapan ng isang unibersidad sa San Miguel, Maynila kamakalawa.

Nasa kustodiya na ng Manila Police District-Anti-Carnapping Section (MPD-ANCAR), ang suspek na si Juhary Casan, alyas “Pogi”, 19, Grade 9 student ng Ramon Avancenia High School at residente ng 980 Arlegui Street, Quiapo, Maynila.

Si Casan ay nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 6539 o Anti–Carnapping Law of 1972 sa Manila Prosecutors Office ng biktimang si Yves Louise Rebulado, 19, estudyante ng Centro Escolar University (CEU) at residente ng 2517 Floresca St., Pandacan, Maynila.

Sa imbestigasyon ni PO2 Ryan Paculan, ng MPD-ANCAR, nangyari ang insidente dakong 11:45 ng umaga sa harapan ng Dentistry Science Building ng nasabing unibersidad.

Sagad na ang pasensya? VP Sara pinagmumura sina PBBM, FL Liza, Romualdez

Nag-iikot umano si Sabrina Jean Melic, lady guard, nang maaktuhan ang suspek na sinususian ang motorsiklo ng biktima na may plakang 4782 XP.

Kaagad umanong pinigil ng mga guwardiya ang suspek at dinala sa security office at saka pinuntahan sa kanyang klase ang biktima para ipaalam dito na tinangkang tangayin ng suspek ang kanyang scooter. (Mary Ann Santiago)