Hinihintay na lang ng Department of Justice (DoJ) ang report ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) hinggil sa bank transactions ng mga personalidad na sangkot sa illegal drug trade sa New Bilibid Prisons (NBP) bago pormal na kasuhan si Senator Leila de Lima at umano’y kanyang mga kakutsaba.
Sinabi ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre na ang lahat ng sangkot sa drug trade sa NBP ay masasampahan ng kaso at maipakukulong.
“Ang tumbok nito ay kung sino ang guilty. De Lima is one of them. Pero kung guilty sina (dating DoJ Undersecretary Francisco) Baraan (III), (Ronnie) Dayan, (Jaybee) Sebastian, (dating Bureau of Corrections Franklin) Bucayu. We are going to file all these cases against them- we are not particularizing De Lima,” ayon kay Aguirre sa pagpapatuloy ng imbestigasyon ng House Justice Committee.
“So far, even si Joenel Sanchez, ‘pag hindi nagsabi ng katotohanan, pwedeng masama sya,” dagdag pa ng kalihim.
Bank accounts, may bilyones
“Hinihintay pa namin ang bank record, ‘yung second report ng AMLC hindi pa namin nare-receive. I will tell you ang laman ng account ay will run to billions, P12 to P15 billion.”
Ito ang tiniyak ni Aguirre, kung saan maraming bank accounts umano ang kasama sa mga sinisilip ng AMLC.
Samantala hindi naman umano nangangahulugan na nakapangalan ito sa Senadora.
Drug lord ‘di nakasipot
Samantala hindi naman nakasipot sa pagdinig ang drug lord na si Jaybee Sebastian dahil pinapagaling pa umano nito ang kanyang ‘punctured lungs’.
Si Sebastian ay makikipagtulungan umano sa imbestigasyon, ngunit magsasalita lang ito tungkol sa ‘food supply’ sa Bilibid.
Panawagan kay Dayan
Kaugnay nito, muling nanawagan si Aguirre kay Ronnie Dayan, dating drayber ni De Lima, na lumabas na at magsalita hinggil sa mga alegasyong ibinato sa kanya.
“Nag-appeal ako sa kanya na hindi naman dapat siya magtago kasi wala pa siyang demanda pa, pwede niya makiisa sa pag-prosecute ng may kasalanan. The DoJ is to give him and consider him be put under witness protection program kung siya ay qualified,” ayon kay Aguirre. (Charissa M. Luci)