Umalalay ang United States sa kampanya kontra droga ng administrasyong Duterte na nagresulta sa pagkakaaresto sa isang 22-anyos na college student na nagtangkang magpuslit ng P25 milyong halaga ng cocaine papasok sa Pilipinas.

Sa pahayag na inilabas kahapon, pinuri ng US Embassy sa Manila ang Philippine Drug Enforcement Agency at mga kasaping ahensiya nito sa Ninoy Aquino International Airport Inter-Agency Drug Interdiction Task Group sa pagkakaaresto kay Jonjon Villamin, Jr. na nagtangkang magpuslit ng 4.4 kilo ng cocaine sa bansa nitong linggo.

Sinabi ng US Embassy na nalulugod ito na nakatulong ang impormasyon mula sa Drug Enforcement Administration Office ng Embassy sa pagkakaaresto sa suspek. Patunay diumano ito ng matagal na bilateral counternarcotics at law enforcement coordination ng dalawang bansa.

Batay sa mga ulat, nakatago ang cocaine sa bagahe ni Villamin na nagbalik sa bansa mula sa limang araw na pagbisita sa Brazil.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

Ayon sa record ng Immigration, umalis ang suspek sa Pilipinas patungong Hong Kong noong Setyembre 24 kung saan siya nanatili ng dalawang araw bago tumuloy ng Brazil.

Pagdating sa Brazil, inutusan diumano si Villamin ng isang kaibigan na gumamit ng bagong luggage sa kanyang biyahe pabalik sa Pilipinas. Mula Brazil, kumuha siya ng connecting flight patungong Manila sa Dubai.

Nakatanggap ng tip ang NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group tungkol sa pagdating ng isang cocaine drug mule.

Sinabi ni Villamin na hindi niya alam na may nakatagong droga sa kanyang bagahe. Hindi naman kumbinsido rito ang mga awtoridad.

Nakatakda siyang kasuhan ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, isang non-bailable offense.

(ROY C. MABASA)