NAI-IMAGINE namin si Sylvia Sanchez na ang ganda-ganda ng ngiti habang kausap namin sa cellphone nang kumustahin at batiin namin sa pawang positibong feedback sa The Greatest Love na humahataw sa ratings game simula noong umere.
Nabanggit ng aktres na wala ring tigil sa katutunog ang cellphone niya sa rami ng nagti-text para batiin siya bilang ina ni Arjo Atayde sa napakahusay na pagganap nito sa FPJ’s Ang Probinsyano noong nakaraang linggo hanggang nitong Martes ng gabi.
“Grabe, Reggs, hindi humihinto ang telepono ko sa kari-ring at kakatanggap ng text, sobra-sobrang nagpapasalamat ako sa lahat ng bumabati sa akin at kay Arjo. Wala akong mapaglagyan ng saya ko.
“Ito ang sagot sa mga panalangin ko noon na kung desidido na si Arjo na mag-showbiz, sabi ko, ‘Lord, sana po, marunong umarte ang anak ko, sana po bigyan n’yo siya ng pagkakataong ipakita ang nalalaman niya sa pag-arte.
“’Yun lang ang panalangin ko, konting acting lang, ‘tapos matutunan naman na niya ‘yan, eh, Reggs, hindi ko alam na ganu’n pala, sumobra ang ibinigay ng Diyos kay Arjo. Mahusay siya, hindi dahil anak ko siya, nakitaan ko naman din talaga,” masayang tinig ni Ibyang.
Sabi namin, mas magaling umarte si Arjo kaysa sa ina.
“Oo naman, hindi ko naman ipagkakait ‘yun. Kapag sinasabi nga ng iba na magaling akong umarte nagpapasalamat ako.
Pero kapag sinasabing mas mahusay si Arjo kaysa sa akin ay talagang aaminin ko kasi totoo talaga, siyempre anak ko ‘yun.
“Ako natuto na lang ako sa tagal ko na sa industriya, at aaminin ko na hindi ito overnight na napag-aralan ko, matagal, nahasa na rin sa tagal.
“Pero si Arjo, ilang taon pa lang siya at talagang nag-aaral siya. Nanonood ‘yan ng mga pelikula, lahat ng kilos at galaw, inaaral niya,” kuwento pa ng bida ng The Greatest Love.
Naalala pa ni Ibyang na nakitaan na niya ng talent sa pagganap ang anak maging noong hindi pa ito artista nang magkaroon ng recital sa Star Magic.
“Nanood kami ng daddy (Art Atayde) niya, ‘sinama ko daddy niya para makita kung papayagan niyang mag-artista si Arjo, kasi ayaw na ayaw ng daddy niyang mag-artista kasi nga gusto negosyo, sumunod sa kanya.
“Right after ng performance ni Arjo, tanging nasabi lang ng daddy niya, ‘ito ang field ni Arjo.’ Kaya mula no’n, pinayagan na si Arjo ng daddy niya na mag-showbiz. Ako naman after kong mapanood si Arjo, sabi ko, ‘Thank you, Lord, mas magaling sa akin ang anak ko’.”
Kanino kung ganoon nagmana sa pag-arte si Arjo?
“Eh, di sa akin pa rin, ha-ha-ha-ha-ha, mas magaling lang siya,” tawa nang tawang sagot ng aktres.
Samantala, ngarag si Ibyang dahil araw-araw ang taping ng The Greatest Love kaya kapag nagkakaroon ng bakanteng araw ay wala siyang sinasayang na sandali para makapiling ang mga anak.
“‘Yun lang talaga, kapag wala akong taping ng Sabado o Linggo, talagang bitbit ko si Xavi (bunsong anak) sa Punta Fuego (resthouse) para makapagpahinga at makasama ko sila. Sobrang nami-miss ko ang mga anak ko.
“Talagang patay lahat ang cellphone, ayokong maistorbo, kasi ito lang ‘yung araw na para sa pamilya ko. Kaya talagang sinusulit ko ang buong araw,” kuwento ng aktres.
Abut-abot ang pasasalamat ni Ibyang sa asawa na naiintindihan siya at hindi pinagbabawalang magtrabaho, at bilang ganti naman ay ginagawa niya ang lahat kapag may oras siya para rito.
“Oo, lalo na kapag uuwi ako ng madaling araw, tulog na lahat, siyempre nakaka-guilty din ‘yun. Kaya nga sobrang nagpapasalamat ako kay Art kasi naintindihan niya.
“Nakakatawa nga, minsanan na lang din kaming magkita ni Arjo kasi busy rin siya. Minsan nag-abot kaming dumating ng madaling araw, kumustahan lang, ganu’n kasi matutulog na rin siya dahil maaga call time niya.
“Sabi lang niya last week, ‘Ma, you watch the Probinsyano episode on Friday (last week), then let me know your feedback. Eh, ‘yun pala ‘yung nag-breakdown siya dahil namatay ang kapatid niya sa istorya.”
Sa Sabado, Oktubre 8 ay gustong manood nina Ibyang kasama ang pamilya sa isasagawang 1st anniversary concert ng FPJ’s Ang Probinsyano sa Smart Araneta Coliseum pero hindi niya magagawa dahil may trabaho siya.
“Gustung-gusto kong manood, Reggs, gusto kong suportahan ang Ang Probinsyano, siyempre, napakalaki ng nagawa ng show kay Arjo at sa Dreamscape, eh, malabo, may taping kami. Baka mga anak ko puwedeng pumunta,” pahayag ni Ibyang.