Haharap ngayon ang pamunuan ng Philippine Volleyball Federation (PVF) sa Council meeting sa isinasagawang 35th World Congress ng International Volleyball Federation ( FIVB) sa Buenos Aires, Argentina.
Sinabi ni PVF president Edgardo Cantada na binigyan ng pagkakataon ang asosasyon, kinatawan nina PVF secretary general Gerald Cantada at legal counsel Atty. Jose Roy III, na ipahayag sa harap ng Council ang kanilang posisyon hingil sa kawalan ng hustisya mula sa Philippine Olympic Committee (POC).
Batay sa position paper na isinumite ng PVF, iginiit ni Cantada na nakipagkutsabahan ang POC sa Larong Volleyball ng Pilipinas Inc., para sirain ang PVF at palabasing inalis bilang miyembro ng Olympic body dulot ng isyu ng pamumuno.
‘Under the POC by-laws and constitution, maaalis bilang miyembro ng POC ang NSA kung pagbobotohan at makakuha ng three-fourth vote mula sa 49 voting member,” sambit ni Cantada.
‘Hindi natikman ito ng PVF. Basta inilabas na lang sa newspaper na wala na kami dissolve na raw at pinalitan na ng LVPI,”” aniya.
Ang LVPI na pinamumunuan ni Jose “Joey’ Romasanta ay sinasabing kinatigan ng Asian Volleyball Federation (AVF) kung saan naglilingkod bilang marketing chief si Tatz Suzara, isa sa opisyal ng LVPI.
“Siguro nga maimpluwensiya sila, pero nasa panig namin ang katotohanan at naniniwala kami na mabibigyan kami ng hustisya ng FIVB,” sambit ni Cantada.
Nanindigan naman si Romasanta na ang pagbuo ng LVPI ay dumaan sa tamang proseso. (Angie Oredo)