Matapos sitahin dahil sa katabilan at ingay, tiniyak ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi niya ititikom ang kanyang bibig sa loob ng anim na taon, lalo na kung tungkol sa kampanya laban sa ilegal na droga.
“Sabi ni (Sen. Richard) Gordon, ‘stop making noise.’ No, I cannot stop. Because I would lose the momentum,” ayon sa Chief Executive sa kanyang speech sa harap ng mga lokal na opisyal ng pamahalaan sa “Sulong Pilipinas: Local Governance Series” na idinaos sa Makati City nitong Martes.
“I cannot afford it because I am now the President. The momentum has to be there and it will be there for six years until the last pusher is taken out of this place,” dagdag pa niya.
Magugunita na sinita ni Gordon ang ingay umano ng Pangulo at paulit-ulit na pahayag na papatayin niya ang mga drug addict at drug dealers.
Nabatikos na rin ang Pangulo ng iba’t ibang bansa dahil sa kanyang mga pahayag, pero sa kabila nito, hindi umano niya kayang tumahimik.
“Tapos sabihin nila, that got you into trouble. Who’s s*** is it? Mine? This is my country. There is no law until now - Presidente na ako and I said ‘papatayin ko kayo lahat. There is no law at all which says I cannot threaten criminals, either as mayor or President. Or if you, if there is anyone who disagrees, give me the provision of law,” ayon kay Duterte. (LEONEL ABASOLA)