Nalambat ng mga tauhan ng District Anti-Illegal Drugs (DAID) ng Northern Police District (NPD) ang limang drug pusher, kabilang ang dalawang menor de edad, at mahigit sa R1.3 milyon halaga ng shabu ang nasamsam sa buy-bust operation sa Valenzuela City, kamakalawa ng umaga.
Ayon kay NPD Director Police Sr. Supt. Roberto B. Fajardo, kinilala ang mga nadakip na sina AJ Makatabas, alyas “Itong”, 19, ng Villa Rosario 2 Subdivision, Barangay Pasolo; Angelo Nicanor, alyas “Nangki”, 30; at Beverly Villarama, 22, ng No. 41 Lascano Street, Tugatog Malabon City.
Dinala naman sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang dalawa pang nadakip dahil kapwa menor de edad ang mga ito.
Base sa report, dakong 8:30 ng umaga, nagsagawa ng buy-bust operation ang DAID-NPD sa bahay ni Makatabas at pinabili ng shabu ang kanilang asset at nang magpositibo ay tuluyang sinalakay ang nasabing bahay.
Narekober sa pinangyarihan ang 9 na malaking piraso ng plastic sachet na may lamang shabu na aabot sa 50 gramo, at 21 maliit na piraso ng plastic sachet na aabot sa limang gramo ng shabu.
Sa kabuuan ay umabot sa 560 gramo ng shabu ang nakumpiska ng mga pulis na nagkakahalaga ng P1.3 milyon.
(Orly L. Barcala)