Tuluyan nang nadakip ng mga pulis ang isang lalaki na umano’y No. 1 sa drug watch list ng Station Anti-Illegal Drugs-Special Operation Task Group (SAID-SOTG), sa ikinasang buy-bust operation sa Valenzuela City, nitong Martes ng gabi.
Sa report ni Police Sr. Insp. Milan V. Naz, head ng SAID-SOTG, kay Police Sr. Supt. Ronaldo Mendoza, hepe ng Valenzuela Police, kinilala ang suspek na si Wilfredo Legazpi, alyas “Gie”, 37, ng No. 24 Little Baguio Street, Barangay Marulas ng nasabing lungsod.
Isa umano sa mga tauhan ni Naz ang nagpanggap ng poseur buyer at dinamba na nila si Legazpi matapos iabot ang apat na plastic sachet ng shabu.
Nanguna umano sa talaan ng SAID-SOTG si Legazpi dahil patuloy pa rin umano ito sa pagbebenta ng ilegal na droga sa kabila ng panawagan ng Valenzuela Police na sumuko na sa “Oplan Tokhang”.
“Mabuti na lang po at hindi nanlaban sa amin si Legazpi, at least buhay siya,” sambit ni Naz. (Orly L. Barcala)