Mapabilang sa National Team ang naghihintay sa premyadong player na sisibol sa gaganaping P1.5M Bingo Bonanza National Open Badminton Championships sa Oktubre 17-23 sa CW Home Depot Ortigas Pasig at SM Megamall sa Mandaluyong City.

Sinabi ni tournament director Nelson Asuncion na nakataya rin sa torneo ang ranking points para National pool.

Para mapagbigyan ang kahilingan ng marami, pinalugitan pa ng

nag-organisang Event King Corporation ang deadline sa pagpapatala ng lahok sa Oktubre 7 ganap na 5:00 ng hapon. May registration fee na P800 at para sa kumpletong detalye, bisitahin ang wwww.bingob. com/nationalopentournament o [email protected].

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Hinirit ni Asuncion na pwede ring makalahok ang mga dayuhang manlalaro pero hindi sila makakakuha ng puntos.

“They (foreigners) can join and help make the tournament competitive but they can’t gain ranking points,” aniya.

Ang posting ng mga opisyal na kalahok ay sa Oktubre 7, habang ang draw at seeding ay sa Oktubre 11 sa LWRC 26F West Tower, Philippine Stock Exchange Center sa Ortigas.

Ipahahayag ang iskedyul ng mga laro sa Oktubre 14, samantalang ang coaches, team manager at players’ meeting ay sa Oktubre 16.

Gaganapin ang qualifiers at quarterfinals sa CW Home Depot bago lumipat ang aksiyon ng torneo na suportado ng Victor PCOME, SM Megamall, Smash Pilipinas, at SM Megamall para sa semifinals at finals sa Okt. 22 at 23.

Idedepensa nina Sarah Joy Barredo at Mark Alcala ang korona sa women’s at men’s singles sa centerpiece Open division.

Inaabangan din ang mga paboritong sina R-Jay Ormilla, Kenneth Monterubio, Kevin Cudiamat, Paul Vivas, at Peter Magnaye sa men’s side, at sina Airha Albo, Christine Inlayo at Malvinne Anne Venice Alcala sa women’s class.

Makikipagrambulan din ang top collegiate at club players ng Metro Manila at iba’t ibang mga lalawigan para sa winners purse na P100,000 sa men’s and women’s singles champions at P120,000 para sa men’s doubles, women’s doubles at mixed doubles. (Angie Oredo)