Binaril at napatay ng mga police escort ang dalawang lalaki na kapwa inaresto dahil sa pag-iingat umano ng ilegal na droga, matapos mang-agaw ng baril sa loob ng mobile car habang ibinibiyahe patungong ospital upang isailalim sa medical check-up sa Tondo, Maynila, kamakalawa ng gabi.

Kinilala ang mga napatay na suspek na sina Edison Molina, 38, driver, ng Block 23, Lot 25, Kalye 43, Xevera, Bacolor, Pampanga at Mark Angelo Noromo, 25, helper, ng Block 33, Barangay Victoria Reyes, Dasmariñas, Cavite City.

Sina Molina at Noromo ay kapwa newly identified drug pusher na isinama sa drug watch list ng Manila Police District (MPD)-Station 1.

Sa pagsisiyasat ni SPO2 Glenzor Vallejo, imbestigador ng Manila Police District (MPD)-Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS), dakong 10:50 ng gabi nangyari ang engkuwentro sa kahabaan ng Road 10, Bgy. 128, Vitas, Tondo.

Sen. Bato, iginiit na hindi convicted criminal si Lopez para ilipat sa Women's Correctional

Sa report ni Police Sr. Insp. Monico Aliado, commander ng Smokey Mountain Police Community Precinct (PCP), lumilitaw na bago napatay ay naaresto muna ng kanyang mga tauhan ang mga suspek habang nagpapatrulya sa kahabaan ng Simeon de Jesus Street, sakop ng Bgy. 125, sa Balut.

Kahina-hinala umano ang kilos ng dalawa kaya sinita ng mga pulis at inaresto nang mahulihan ng dalawang plastic sachet ng shabu.

Dinala ang mga suspek sa presinto para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon at saka muling isinakay sa mobile car upang dalhin sa Tondo Medical Center.

Gayunman, habang bumibiyahe sa southbound lane ng Road 10 ay bigla na lang umanong nagtangka ang mga suspek, na kapwa nakaupo sa backseat, na agawin ang service firearm ng kanilang police escorts.

Dito na napilitan ang mga pulis na barilin ang mga suspek na hindi na umabot pang buhay sa ospital.

(Mary Ann Santiago)