FARMVILLE, Va. (AP, Reuters) – Umatake ang Democrat. Gumanti ang Republican.
Walang nagpaawat kina Virginia Sen. Tim Kaine at Indiana Gov. Mike Pence sa nag-iisang vice presidential debate para sa US elections noong Martes ng gabi.
Halos hindi na napansin sina Kaine at Pence sa mainit na bakbakan nina Hillary Clinton at Donald Trump kayat sa 90-minuto nilang paghaharap ay todo-depensa sila sa kanilang mga pangulo.
Naging napakatindi ng kanilang bangayan na madalas ay halos sabay na silang nagsasalita. Tinangka ni Kaine na takutin ang mga botante palayo kay Trump. Sinikap naman ni Pence na ipinta si Clinton na hindi karapat-dapat sa White House at bigong secretary of state ni Obama mula 2009 hanggang 2013.
Ginalit ni Kaine si Pence nang balikan nito ang mga naging pahayag ni dating Republican President Ronald Reagan.
“Ronald Reagan said something really interesting about nuclear proliferation back in the 1980s -- he said the problem with nuclear proliferation is that some fool or maniac could trigger a catastrophic event,” ani Kaine. “And I think that’s who Governor Pence’s running mate is.
Bumuwelta si Pence na: “Senator, senator, that was even beneath you and Hillary Clinton and that’s pretty low.”
Dahil sa madalas na pagsasapawan ng dalawang kandidato para makapuntos, sumabad ang moderator na si Elaine Quijano ng CBS News.
“The people at home can’t understand either one of you when you speak over each other,” aniya.