SA pagsisimula ngayong araw ng ikalawang bahagi ng usapang pangkapayapaan sa National Democratic Front (NDF) ng Communist Party of the Philippines (CPP) sa Oslo, Norway, isang delegasyon mula sa Kamara de Representantes ang mapapabilang sa peace panel ng gobyerno.

Pinangungunahan ni Deputy Speaker Bai Sandra Sema ng Maguindanao ang grupo ng Kamara na makikibahagi sa government panel, na pinamumunuan ng chief peace negotiator na si Secretary of Labor Silvestre Bello III. Nakatakdang magpalitan ng draft ang magkabilang panig tungkol sa panukalang bilateral ceasefire at magbubuo ng isang amnesty proclamation para sa ilang dekada nang pagrerebelde ng New People’s Army, ang armadong sangay ng CPP. Sisimulan na rin nila ang pag-uusap sa mas mahahalagang usapin tungkol sa repormang panlipunan at pang-ekonomiya.

May malaking papel ang Kongreso sa prosesong pangkapayapaan, ayon kay Bayan Muna Party-list Rep. Carlos Zarate, miyembro ng limang-kasaping delegasyon ng Kamara. Sa pagtatapos ng serye ng negosasyon, kapag pinal nang nabuo ang kasunduan tungkol sa mga repormang hangad ng CPP-NDF-NPA, isusumite na ito sa Kongreso para sa kinakailangang pagsasabatas.

Dito nabigo ang nakalipas na administrasyon sa pagsisikap nitong maisakatuparan na ang pangmatagalang kapayapaan sa Mindanao sa pamamagitan ng kasunduan sa Moro Islamic Liberation Front (MILF). Nagsagawa ang panel ng gobyerno, na binuo ng Malacañang, ng ilang pakikipagpulong sa mga opisyal ng MILF dito at sa ibang bansa at nakabuo ng isang kasunduang nilagdaan sa Malacañang.

Ngunit nang dalhin na sa Kongreso ang kasunduan, ang Bangsamoro Basic Law (BBL), natukoy na marami itong kakulangan.

Ibinasura ng Senado ang panukalang BBL, na natuklasan nitong tadtad ng mga probisyong hindi naaayon sa batas, at bumuo ng pamalit na panukala. Sa Kamara, nabimbin ang panukala dahil hindi kailanman nakabuo ng quorum ang mababang kapulungan sa mga huling araw ng 16th Congress.

Sa pakikibahagi ng grupo ng mga kongresista sa usapang pangkapayapaan sa Oslo ay magkakaroon ng sariling kontribusyon ang Kamara sa paglikha ng mga repormang panlipunan at pang-ekonomiya na magiging sentro ng kasunduang pangkapayapaan.

Magiging pinakamainam kung sa mga susunod na pag-uusap ay makakasama rin sa talakayan ang isang grupo mula naman sa Senado.

Nasa ikalawang bahagi pa lamang ang usapang pangkapayapaan. Marami pang sesyon ang nakatakda bago magkaroon ng pinal na kasunduan sa Agosto ng susunod na taon. Naging paborable ang pagsisimula ng negosasyon at ang pakikibahagi ng Kamara sa talakayan ay isa pang magandang senyales na magiging matagumpay ito.