HINDI pa natatagalang nakalalabas ng bansa ang bagyong ‘Igme’, ginulantang na naman tayo ng pagdating ng isa pang bagyo na tinawag na ‘Julian’. Bagama’t hindi masyadong nanalasa ang bagyong Igme, pinalubog naman nito ang mga lansangan dahil sa matinding buhos ng ulan bunsod ng habagat. Sana ay hindi naman gaanong maramdaman ang pagdaluyong ng bagyong Julian; sana ay hindi magkatotoo ang pangamba ng ilang sektor na ang susunod na mga bagyo ay maaaring mas higit pa ang paghagupit kaysa mga nakaraang bagyo na tulad ng Ondoy at Yolanda. Sana ay hindi na nga.

Gayunman, hindi tayo dapat maging kampante. Lalo nating paigtingin ang ating mga paghahanda laban sa mga kalamidad, partikular na ang bagyo, lindol, at baha. Panghawakan natin ang maagap na mga babala o calamity warning ng PAGASA, ang ahensiya ng gobyerno na laging nakatuon sa pagtaya ng panahon; gayundin ang Philvocs na ang misyon ay nakatutok sa lindol. Iwaksi natin ang nakasanayang saka pa lamang magsusuhay ng bahay kung rumaragasa na ang nagngangalit na bagyo at kung niyayanig na tayo ng lindol.

Hanggang ngayon ay minumulto pa tayo, wika nga, ng kahindik-hindik na pamiminsala ng bagyong Ondoy, may ilang taon na rin ang nakararaan. Maraming nakitil na buhay at bilyun-bilyong pisong halaga ng ari-arian ang nasalanta. Maliwanag na marami sa atin ang hindi ganap na nakapaghanda sa pagdating ng naturang kalamidad.

Lalong hindi natin malilimutan ang matinding pinsala sa pagdaluyong ng super-typhoon Yolanda sa Visayas, may ilang taon na rin ang nakalilipas. Sa pagragasa ng naturang bagyo, libu-libong kapatid natin sa panig na iyon ng Luzon ang mistulang nalibing nang buhay; marami sa mga namatay ang hindi na nasilayan ng kanilang mga mahal sa buhay; ang ilan sa mga ito ay tila inihimlay na lamang sa “common grave”.

Nakapanlulumo na hindi pa ganap na nagkakaroon ng rehabilitasyon sa mga lugar na pininsala ng Yolanda. May mga ulat na maging ang mga pabahay na ginugulan ng katakut-takot na pondo ay sinasabing nakatiwangwang pa. Pinabayaan ba ito ng pinalitang administrasyon?

Sikapin nating lahat, lalo na ng mga awtoridad, na hindi na maulit ang nakakikilabot na pamiminsala ng mga kalamidad.

Hindi dapat tumigil ang Department of Public Works and Highways (DPWH) sa konstruksiyon ng mga flood control at iba pang pagawaing-bayan na hanggang ngayon ay nakatiwangwang. Iwasan ang pagtatapon ng basura sa mga estero na nagiging dahilan ng pagbaha.

Totohanang paghahanda ang kailangan upang maiwasan natin ang hagupit ng kalikasan. (Celo Lagmay)