PATULOY ang pag-abante ng GMA Network sa primetime, at maging sa ibang dayparts, dahilan para manatili itong number one sa Urban Luzon base sa survey data mula sa Nielsen TV Audience Measurement.
Nanguna sa listahan ng top programs sa Urban Luzon noong buwan ng Setyembre ang Encantadia na consistent pa rin ang pagtaas ng ratings. Sinundan ito ng 24 Oras at Pepito Manaloto sa ikalawa at ikatlong puwesto bilang mga nangungunang newscast at comedy program sa Urban Luzon.
Kasama rin sa top 10 ang Magpakailanman, Descendants of the Sun, Kapuso Mo, Jessica Soho, Alyas Robin Hood, at Hay Bahay.
Ang iba pang programa ng Kapuso Network na malakas sa Urban Luzon ay ang Ismol Family, 24 Oras Weekend, Sunday Pinasaya, Eat Bulaga, Juan Happy Love Story, Wowowin, #Like, Imbestigador, Superstar Duets, Someone to Watch Over Me, Magkaibang Mundo, at Dear Uge.
Sa loob ng nasabing buwan (base sa overnight data ang September 25 hanggang 30), muling naungusan ng GMA ang ABS-CBN sa total day household audience share sa Urban Luzon dahil sa naitala nitong 41.7 percent, mas mataas ng 8.9 points sa 32.8 percent ng huli.
Lumaki pa ang lamang ng GMA sa ABS-CBN sa lahat ng dayparts at maging sa kabuuang ratings nito noong nakaraang buwan.