KAHIT bahagi lang ng tumatakbong istorya ng soap drama na pinagbibidahan nila ni Lovi Poe, nakaka-touch pa rin ang post ni Tom Rodriguz sa kanyang Instagram account na hawak niya ang isang baby sa isang eksena sa Someone To Watch Over Me na may caption na: “Son, remember that daddy loves you because daddy might not remember anymore...”
Role ng isang may maagang stage ng Alzheimer’s disease ang ginagampanan ni Tom, kaya gabi-gabing napapanood sa TV series ang pagiging iritable niya kapag may hinahanap siya na hindi niya makita dahil hindi niya maalala kung saan niya inilagay o kapag may mga bagay siyang nakakalimutan, tulad ng isang eksenang kasama niya sa isang grocery ang anak niyang si Joshua, pero nang may tumawag sa kanya, nakalimutan niyang may kasama siyang anak at naiwanan niya ito sa parking lot.
Marami pang endearing scenes sa inspirational drama series na kitang-kita ang kahusayan sa pagganap nina Tom as TJ at si Lovi as Joanna.
Hindi ba naaapektuhan si Tom sa mga eksena na kailangang ipakita na sinusumpong siya ng Alzheimer’s disease?
“In a way, kasi mahirap talaga,” sagot ni Tom. “Kailangan kong ilagay ang sarili ko sa character ni TJ, lalo na kapag hindi na niya ma-control ang emotions niya dahil nga marami na siyang hindi matandaan. Thankful ako na ang nakasama ko ay mga mahuhusay na artista na ready akong suportahan, sina Sir Edu Manzano, Tita Jackielou Blanco, Tita Isay Alvarez at Tito Ronnie Lazaro, at ngayon, si Max Collins dahil pumasok na rin ang character niya bilang si Irene, ang first love ko na siyang naiwanan sa alaala ko na siya ang mahal ko at hindi ang asawa kong si Joanna.”
Siyempre, mas malaki ang suportang nakukuha niya mula sa kanyang girlfriend na si Carla Abellana. Nag-post si Carla sa Instagram nang pumunta silang magkasintahan sa Venice, Italy to have a short vacation, to unwind, at doon ipinagdiwang ang birthday ni Tom noong October 1.
One way daw iyon para pansamantala siyang maka-relax at makalimutan muna ang role niya na may early onset ng Alzheimer’s disease. Nagpasalamat din si Tom sa GMA-7 at sa production staff, kay Direk Maryo J. delos Reyes, na pinayagan siyang magkaroon ng ilang araw na bakasyon.
Bumalik na sa taping si Tom at lalong mas madadramang eksena ang mapapanood dahil magsasama-sama na sa iisang bahay sina Joanna, TJ at Irene. Nakalimutan na nga ni TJ na si Joanna ang asawa niya, bagamat naroon lamang ito sa bahay nila, dahil siya ang special nurse nito. At si Irene nga ang nasa memorya niya na mahal niya.
Napapanood sa primetime telebabad ang Someone To Watch Over Me pagkatapos ng Alyas Robin Hood.