Kinontra ng simbahang Katoliko ang panukalang same-sex marriage, kung saan binigyang diin na kung pwede ito sa ibang bansa, hindi nangangahulugang tama ito at nararapat ipatupad sa Pilipinas.
“Marriage as willed by God is between a man and a woman,” ayon kay Cubao Bishop Honesto Ongtioco, sa isang panayam.
Sa kabila ng respeto niya sa opinyon ni House Speaker Pantaleon Alvarez na nagpaplanong itulak ang same-sex marriage sa Mababang Kapulungan, sinabi ni Ongtioco na ang turo ng simbahan pa rin ang kanyang pananaigin.
Sa panig naman ni Lipa Archbishop Ramon Arguelles, sinabi nitong hindi lang labag sa Divine Law ang same-sex marriage, kundi maging sa human at natural law.
“The purpose of marriage is to have a family, kids...but if the couple is of the same sex the one who will suffer the most in this situation is their child because it’s not normal,” ani Arguelles.
Labag din umano ito sa kultura ng Filipino. “It’s against our culture, that is the culture of America. It doesn’t mean that just because other countries have it we also have to follow,” ani Arguelles.
Matinding oposisyon din ang narinig kay Malolos Bishop Jose Oliveros na nagsabing “it is not a matter of rights but rather a matter of what is contrary to the nature of marriage.”
Solons, hati
Sa Kamara, hati naman ang mga kongresista sa panukala.
Sinabi ni Quezon City Rep. Vincent ‘Bingbong’ Crisologo na kahit kapartido niya ni Alvarez, kontra pa rin siya sa panukala. “I’ve been an advocate of the word of God,” pahayag nito.
Sa panukala ni Alvarez, civil union lang umano ang ibibigay sa lesbian, gay, bisexual, and transgender (LGBT).
Sa halip na same-sex marriage, sinabi naman ni Camarines Sur Rep. Luis Raymund Villafuerte na unahin na ang divorce bill.
“Palagay ko siguro unahin muna nating i-discuss ang divorce muna so bago natin pag-usapan ‘yung same sex marriage,” ani Villafuerte.
Pagpapaangat naman sa buhay ng mahihirap ang nais unahin ni Navotas Rep. Toby Tiangco, kung saan hindi umano napapanahon ang panukala ni Alvarez.
Pabor naman ang seven-man Makabayan bloc dahil mabibigyan na umano ng proteksyon ang mga minamaliit. “We are happy about the pronouncement of Speaker Alvarez that he will push for this proposal,” ayon kay ACT Teachers partylist Rep. Antonio Tinio.
Gayundin ang pahayag ni Bayan Muna partylist Rep. Carlos Isagani Zarate, dahil nakakaranas umano ng diskriminasyon ang LGBT. (Leslie Ann G. Aquino at Charissa M. Luci)