NAGING matagumpay ako sa larangan ng negosyo at pulitika at ang nakita kong malaking pagkakaiba ng dalawa ay ang katotohanan na kailangang paglingkuran ng pamahalaan ang lahat ng tao, samantalang ang mga negosyo ay nakatutok sa ilang partikular na bahagi ng pamilihan.

Sa madaling sabi, sa paggawa ng anumang polisiya ay dapat isaalang-alang ng pamahalaan ang magiging epekto nito sa lahat ng bahagi ng lipunan.

Kamakailan ay inilathala ng Manila Bulletin ang panukala na magdeklara ng dalawang taong moratorium sa pagtanggap at pagpapatibay ng mga aplikasyon upang baguhin ang kaukulan ng lupa mula sa pang-agrikultura tungo sa iba pang aktibidad.

Gusto kong ibahagi ang aking pananaw sa isyung ito upang makatulong sa pagbuo ng mas magandang polisiya tungkol sa land conversion.

Ang panukalang moratorium ay makakaapekto sa maraming larangan, gaya ng enerhiya, transportasyon, kalikasan, telekomunikasyon, kaunlarang pang-lokal at sa ekonomiya ng bansa. Ngunit ang mga sektor ng pabahay, konstruksiyon at real estate ang unang makakaranas ng epekto, at ito ang nais kong talakayin ngayon.

Dapat nating unawain na ang pagpapaunlad ng real estate ay nangangailangan ng paggamit ng mga nakatiwangwang at hindi napapakinabangang bukirin upang makapagtayo ng mga subdibisyon at mga negosyo na siya namang nagtataguyod sa paglaki ng middle class. Ginagamit din ang nasabing mga lupain upang matugunan ang pangangailangan sa maayos na tahanan na siyang pangarap ng bawat pamilyang Pilipino.

Dahil dito, inaasahan ang pagbagal ng mga aktibidad ng sektor ng pabahay kapag ipinatupad ang panukalang moratorium.

Ang sektor ng pabahay ay isa sa mga pundasyon ng lumalaking ekonomiya, kaya sa mga mauunlad na bansa, ginagamit ang tinatawag na “housing construction indices” upang sukatin ang antas ng paglaki ng ekonomiya. Ang paglakas ng sektor ng pabahay ay tanda ng paglakas ng ekonomiya.

Kapag itinatayo ang mga bahay, nakikinabang ang mga pabrika ng materyales at ang kalipunan ng paggawa.

Ang kinikita naman ng mga anluwagi, tubero, kantero, electrician at iba pang manggagawa sa konstruksiyon ay ginugugol naman sa pagbili ng pagkain at iba pang pangangailangan sa mga tindahan sa kanilang komunidad, at maging sa iba pang bagay gaya ng edukasyon ng kanilang mga anak at sa kalusugan ng pamilya. Ito ang tinatawag ng mga ekonomista na “multiplier effect.”

Sa taya ni Dr. Winston Padojinog, pangulo ng University of Asia and the Pacific, sa bawat pisong ginugugol sa konstruksiyon ng bahay ay P3.44 ang nadaragdag sa ekonomiya ng bansa.

Ayon sa National Statistical and Coordination Board (NSCB), ang industriya ng konstruksiyon ay may 3.5 milyong manggagawa, o 8.5 porsyento ng kabuuang workforce ng bansa.

Naniniwala ako na sa pagbuo ng polisiya, kailangang tingnan ang malaking larawan upang huwag itong magbunga ng hindi maganda sa mga mahihirap. (Manny Villar)