Dinisarmahan, ikinulong at nakatakdang sampahan ng kaso ang isang pulis-Maynila matapos umanong magpabaya sa tungkulin at matakasan ng isang bilanggo sa detention cell ng Manila Police District (MPD)-Station 9 sa Malate, Maynila.
Ayon kay MPD-Station 9 commander Police Supt. Romeo Odrada, sasampahan ng kasong negligence at serious neglect of duty si PO3 Virgilio Ninon Jr. matapos matakasan ni Rolando Buenafe y Ponferada, 45, ng 1930 Libertad Street, Pasay City, na nakulong dahil sa kasong paglabag sa Section 5 at 11 ng Article II ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Inutusan umano ni PO3 Pinon, na siyang duty jailer nang mangyari ang insidente, ang mga bilanggo na ipunin ang kanilang mga basura para maitapon.
Habang abala ang ibang bilanggo sa paglalagay ng mga basura sa plastic bag, nagboluntaryo umano si Ponferada na siya na lang ang magtatapon ng basura sa labas.
Ilang minuto na ang nakalilipas ay hindi na umano muling bumalik si Ponferada hanggang sa binilang ang mga bilanggo sa bawat selda at nakumpirmang nakatakas na nga ito.
Nakikipag-ugnayan na ang mga awtoridad sa Pasay City Police at Makati City Police para sa agarang pagdakip sa suspek.
(MARY ANN SANTIAGO)