MAYROONG batas, ang Republic Act 9995, “An act defining and penalizing the crime of photo and video voyeurism , prescribing penalties therefor, and for other purposes”, na inaprubahan ng 14th Congress noong 2010. Nais itong busisiin ng 17th Congress kaugnay ng pagpupumilit ng ilang pinuno ng Kamara na maaaring ipalabas ang umano’y sex video ni Senador Leila de Lima sa pagdinig kaugnay ng imbestigasyon sa pagiging talamak ng bentahan at paggamit ng droga sa National Bilibid Prisons.
Idinedeklara ng batas na labag sa batas ang kumuha ng litrato o video ng aktuwal na pagtatalik. Nakasaad na ang anumang litrato o video ay hindi maaaring tanggapin bilang ebidensiya sa alinmang pagdinig na panghukuman, lehislatibo o administratibo, maliban na lang kung mahalaga ito sa pagpapatunay ng pagkakasala ng isang tao o pagresolba sa isang krimen.
Kabilang ito sa mga dahilan na tinukoy ng isang grupo ng 48 mambabatas, 35 sa kanila ay babae, sa pangunguna ni Dinagat Island Rep. Kaka Bag-ao, na mariing tumututol sa planong ipalabas ang sex video. Wala rin itong kaugnayan, ayon sa grupo, sa pagdinig na dapat na tampukan ng tungkol sa usapin ng ilegal na droga at sitwasyon sa piitan.
Nasangkot dito si Senador De Lima bilang kolektor umano ng pondo mula sa mga nakapiit na drug lord. Ang umano’y seksuwal na ugnayan ng senadora sa kanyang driver ay lihis sa usapin o walang bigat sa kaso.
Nariyan din ang katanungan sa pagiging tunay ng video sa panahong ito na ang lahat ng litrato at video ay napakadaling dayain—o iyong tinatawag na photo-shopping.
At sa huli, nariyan din ang puntong inilahad ng 48 mambabatas na naninindigan dito sa mismong Speaker—na isa itong paglabag sa karapatan ng kababaihan. Isa itong uri ng palabas na itinatampok lamang sa mga ilegal na sinehan, hindi sa mga respetadong bulwagan ng Kongreso.
Hiniling ni Rep. Lito Atienza, ng Buhay Party-list, sa pamunuan ng Kamara na tapusin na ang pagsisiyasat sa kalakalan ng ilegal na droga sa bilangguan at simulan na ang paglikha ng mga kinakailangang batas. Kung may sapat na ebidensiya ang Department of Justice upang iugnay sa naturang usapin si Senador De Lima, dagdag niya, maghain na lamang ng mga kaso laban dito. Ang sex video ay lihis sa usapin at hindi kinakailangan, dagdag pa niya.
Nakatakdang magharap bukas ang House Committee on Justice, na pinamumunuan ni Oriental Mindoro Rep. Reynaldo Umali at sinabi niyang pagbobotohan ng komite ang tungkol sa usapin. Inaasahan nating mabibigyan nito ng kinakailangang konsiderasyon ang mga usaping inilatag ng marami nilang kasamahan sa Kamara—ang mga usapin ng legalidad, kaugnayan, pagiging tunay at moralidad.