ANG Asia Pacific Actors Network (APAN) Awards ay samahan ng malalaking entertainment company at events sa Korea na mala-Emmys sa Amerika.
Nitong nakaraang weekend, inimbitahan si Jessy Mendiola ng MBC, isa sa malalaking network sa South Korea, para personal na tanggapin ang Best Asia Pacific Star Award na ipinagkaloob nito sa kanya. Si Jessy ang unang artistang Pilipino na pinagkalooban ng nasabing award.
Simula noong 2013, si Jessy ay nagsisilbing honorary Korea Tourism Ambassador to the Philippines.
Kabilang din sa receipient si Song Joong Ki at ilang actors mula sa Thailand, Turkey at iba pang bansa.
“Ibang sense of fulfillment na mai-represent ang Pilipinas sa isang sikat na award-giving body at ako ang unang Filipino to be recognized by APAN, It’s a big achievement for me,” ani Jessy.
“Nagulat ako noong nakita ko sila kasi nakita ko sila sa TV ‘tapos ‘pinapakilala na ako sa kanila. If ano reaksyon ko when I met them, gano’n din sila sa akin, ‘yung respect iba, kaya nakakatuwa,” sabi pa ni Jessy.
Pag-uwi ng Pilipinas ay balik-trabaho na ang actress para sa dalawang pelikula na posibleng maging entry sa Metro Manila Film Festival 2016, ang Mano Po ng Regal Entertainment at Extra Service ng Star Cinema. (ADOR SALUTA)